^

Bansa

PSN, 26-taon nang ginagamit sa pagtuturo

- Ni Mer Layson -

MANILA, Philippines - Kasabay ng pagsilang ng Pilipino Star Ngayon (PSN) ang pagsisimula naman nang pagtuturo sa public school ni Ma’am Esmerlita A. del Rosario noong 1986 na ngayon ay isang guro sa Grade VI sa Antonio A. Maceda Integrated School   sa Sta. Mesa, Maynila.

Paboritong diyaryo ni Ma’am Esmer ang PSN at may 26 na taon na rin siyang nagbabasa nito. Paborito niya ang News section na kung nagkakaroon ng pagkakataon ay ginagamit nito sa kanyang pagtuturo sa kanyang mga estudyante bilang source of information partikular sa current events.

Gaya ng adhikain ng PSN na “magturo” sa mga reader nito ng mga makabuluhang impormasyon mula sa iba’t ibang isyu na nilalathala nito, sa loob ng 26 na taong pagtuturo sa pampublikong paaralan ay pinairal din ni Ma’am Esmer ang pagtuturo ng pagmamahal sa kanyang mga estudyante na itinuturing din niyang mga anak.

Ibinahagi ni Ma’am Esmer na puso na may dalisay na pagmamahal ang sandata niya kaya marami sa kanyang mga naging estudyante ay nagtagumpay sa larangan na kanilang napili sa buhay.

Marami sa kanyang mga mag-aaral ang inalipusta at pinagsabihan ng “bobo” at si Ma’am Esmer ang nagsilbi nilang tagapagtanggol.

“Bilang kanilang guro, nasasaktan ako kapag narinig kong pinagsabihang bobo ang estudyante ko, kaya upang hindi mapanghinaan ng loob ay kinakausap ko sila ng puso sa puso at pinapayuhan na mag-aral ng mabuti,” wika niya.

Pero sa kabila ng hinahon ay inamin ni Ma’am Esmer na nadadala rin siya ng “bugso ng damdamin”.

Kuwento niya, may isang marungis na lalaking estud­yante ang ibinigay sa kanyang section. Ang estudyanteng ito ay matalino pero tamad lamang mag-aral kaya ayaw tanggapin sa star section.

Sa araw-araw na klase ay palagi niyang sinasabihan ang nasabing bata na maligo bago pumasok sa paaralan at gumawa ng kanilang takdang aralin pero hindi ito sumusunod hanggang sa mapingot niya ang patilya ng estudyante.

Hindi sinasadyang napalakas umano ang pagpingot ni Ma’am Esmer sa bata sanhi upang matanggal ang buhok sa patilya nito.

Nagsumbong ang bata sa kanyang ama kaya sinugod ang guro sa eskuwelahan. Ipinaliwanag ng guro na nagawa niya iyon dahil sa kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa bata na labis na nanghihinayang sa kanyang taglay na talino.

Sa kabila nito, pinagbantaan siya ng ama ng bata na ipatatanggal siya sa trabaho.

“Sinabihan niya ako na ipasisibak sa trabaho at may kamag-anak daw siyang dating­ principal. Siyempre una ay natakot ako pero idi­nepensa ko na kaya ko nagawa iyon ay dahil din sa pagmamahal ko sa estudyante ko,” sabi ni Ma’am Esmer.

Maging ang tinutukoy na dating principal ay kinum­pronta din si Ma’am Esmer subalit sa huli ay naunawaan ng una ang paliwanag ng guro.

Mula noon ay nagsikap ang estudyante sa kanyang pag-aaral hanggang mag­tapos ito sa Elementarya na 1st honor at siya ring inila­laban ng kanilang paaralan sa iba’t ibang pa-contest.

Nagtapos ng cum laude sa High School ang nasabing mag-aaral at ngayon ay isa ng matagumpay na negosyante.

Ilan din sa kanyang mga naging estudyante ang pilit siyang hinahanap at binabalikan para lamang pasalamatan sa magandang pundasyon na naiambag niya at naikintal sa mura nilang kaisipan.

“Minsan ay nagugulat na lang ako na may isang mama o ale ang bababa ng kanilang sasakyan at nagmamano sa akin. Kapag tinanong ko kung sino sila ay sinasabing na­ging estudyante ko raw, ang sarap-sarap ng pakiramdam. Halos lahat ng propesyunal ay malaki ang paggalang sa mga guro kaya ito ang pinili kung propesyon,” pahayag pa niya.

Si Ma’am Esmer ay 10 taong nagturo sa Laguna bago malipat sa Maynila.

Isa ring guro sa Maceda Integrated School ang kanyang kabiyak na si Ludivico del Rosario. Anim ang kanilang naging anak.

Gaya ng PSN na walang sawang nagbibigay kasiyahan sa kanyang mga “estud­yante” at ‘yan ay ang kanyang mga mambabasa, tunay na siksik at nag-uumapaw rin sa biyaya ng Diyos ang 26 taong pagtuturo ni Ma’am Esmer.

“Disente, siksik sa balita at may salita ng Diyos kasi ang PSN na wala sa ibang mga pahayagan,” pagtatapos ng guro.

vuukle comment

ESMER

ESTUDYANTE

GURO

KANYANG

MACEDA INTEGRATED SCHOOL

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with