MANILA, Philippines - Unti-unti na ring lumalaganap ang Pilipino Star NGAYON sa disyertong lupain ng Gitnang Silangan. Noong Pebrero ng taong ito ay nagsimula na ring mabasa ng mga Overseas Filipino Worker sa Bahrain ang Pilipino Star NGAYON. Bagaman may kahigpitan ngayon ang pamahalaan ng Bahrain sa mga pahayagan at ibang media entity dahil sa ilang kaguluhang nagaganap sa bansang ito, napapayag pa rin ito na maipakalat dito ang Pilipino Star NGAYON at masilbihan ang libu-libong Pilipinong naninirahan, namumuhay at nagtatrabaho sa Bahrain.
Nauna rito, nagsimula noong Mayo 16, 2010 ang paglaganap ng mga kopya ng Pilipino Star NGAYON sa Qatar na kalapit na bansa at kasamahan ng Bahrain sa ilalim ng tinatawag nilang Gulf Cooperation Council o GCC. Malapit na ngang magdalawang taon sa paglilingkod sa mga OFW sa Qatar ang PSN. Naisakatuparan ito dahil sa pagtutulungan ng pamunuan at mga kagawad ng Pilipino Star NGAYON sa pangunguna ng presidente nitong si G. Miguel G. Belmonte at ng pamunuan ng Dar Al Sharq. Ang Dar Al Sharq ang siyang printer at distributor ng Pilipino Star NGAYON sa Qatar at siya ring naglalathala ng pahayagang Ingles na The Peninsula sa naturang bansa. Sa tulong din ng general manager ng Dar Al Sharq na si Mr. Abdulatiff Al Mahmoud at ng foreign publication manager nitong si Mr. Neegal Noronha, nagawa ng PSNGAYON na mapasok ang Qatar at masilbihan ang mga Pilipino roon.
Naging mainit din ang katugunan ng mga OFW at ng iba pang mga Pilipinong naninirahan sa Qatar. Araw-araw din nilang tinatangkilik ang Pilipino Star NGAYON na naghahatid sa kanila ng mga balita at iba pang lathalain hinggil sa mga nagaganap sa naiwanan nilang bayan sa Pilipinas at maging sa bansang tumatangkilik sa kanila ngayon. Bukod kasi sa mga sariwa at bagong balita sa Pilipinas, natutunghayan din nila ang mga kaganapan sa Qatar at sa ibang bahagi ng Gitnang Silangan.
Dahil espesyal din sa PSNGAYON at sa Dar Al Sharq ang mga Pilipino sa Gitnang Silangan, ginawa nitong makulay ang mga pahina nitong nauukol sa mga pamumuhay ng mga OFW at iba pang kaganapan sa Qatar at Bahrain. Kaya lalo itong gumaganda sa makukulay na mga aktibidad ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan na nalalathala sa pahayagang ito. Mga OFW din ang tumutulong sa paglalabas ng mga artikulo sa Pilipino Star Ngayon-Middle East edition. Nariyan halimbawa ang reporter na Pilipino na si Chris Panganiban na bukod sa nagsusulat sa The Peninsula ay nag-uukol din ng panahon sa pagsusulat ng kolum (Ano sa Palagay Nyo?) at ng mga lathalain para sa Pilipino Star Ngayon. Nariyan din si Manny Camato na aktibo sa mga organisasyon ng mga Pilipino sa Qatar at, bukod sa regular niyang kolum na Usapan Ngayon, nagsusulat din siya sa pahayagang ito ng mga lathalain hinggil sa mga aktibidad ng mga organisasyon ng mga Pilipino sa naturang bansa lalo na sa larangan ng sports.
Aktibo kasi ang mga Pilipino sa Qatar sa iba’t-ibang klase ng sports tulad ng basketball, tennis, at bowling lalo na kapag weekend o mga araw na wala silang pasok sa trabaho. Kaya may mga OFW din na lumalapit sa PSNgayon para mailathala ang kanilang mga aktibidad sa Qatar. Bukod pa riyan ang mga pagkilos ng iba’t-ibang organisasyon ng mga Pilipino na kumikilos para makatulong sa mga nagigipit nilang kababayan sa Qatar o maging sa Pilipinas.
Meron ding lingguhang kolum sa Pilipino Star Ngayon ang isa pang OFW na si Raynald Rivera (Biyaheng Qatar) na isa ring reporter sa The Peninsula. Tinatalakay din niya ang pamumuhay ng mga Pilipino sa Qatar at maging ang pamumuhay ng lahat ng tao sa bansang ito.
Bukod pa sa mga nabanggit ay kasama sa tumutulong sa edisyon ng PSNgayon sa Gitnang Silangan ang mga OFW rin na sina Morena Altura at Mary Caroline Tanig na kaagapay ng ar Al Sharq sa mga advertisement at iba pang kailangan sa paglalathala at pamamahagi ng pahayagang ito sa Qatar.
Maraming bawal kung maituturing sa Qatar. Tulad ng ibang bansang Muslim sa Qatar, mahigpit ito sa maraming bagay na lalo na sa mga taliwas sa kanilang sariling relihiyon at kultura. Pero, tulad ng mga OFW, nakikibagay din ang Pilipino Star Ngayon sa kultura at sistema ng pamumuhay sa bansang ito. Isinasagawa nito ang anumang kailangang pagbabago sa mga pahina ng pahayagang ito para patuloy na masilbihan ang mga Pilipino sa bansang Arabo. Kahit may mga pagbabago, patuloy pa rin itong tinatangkilik ng mga OFW. Sa napakahigpit ng kultura sa mga bansang ito, isang masasabing pagsubok ang pagpasok dito ng Pilipino Star Ngayon na, dahil sa katangian nitong pagiging disente at pangmasang intelehente, natanggap ito sa banyagang lipunang istriktura sa sistemang panlipunan. Bukod dito, naging tulay ang pahayagang ito para maipahayag ng mga OFW ang anuman nilang suliranin o tagumpay o anumang kalagayan o pamumuhay na dinaranas nila habang nasa dayuhang lupain.
Noong una, ipinakilala ang pahayagang ito bilang Qatar Ngayon bagaman ang pinaka-“logo” ng PSNgayon sa pangmukhang pahina nito ay merong nakasingit na salitang “Middle East edition.” Pero, dahil sa tagumpay ng pahayagang ito sa Qatar, ipinasya ng Dar Al Sharq na trabahuhin nang ipamahagi na rin sa Bahrain ang Pilipino Star Ngayon. Nagsimula na nga itong matunghayan sa Bahrain noong unang linggo ng nakaraang buwan kaya inalis na sa tabi ng logo ang Qatar Ngayon dahil magiging ganap na itong Middle East edition. Naisagawa ito dahil sa pagtangkilik na rin ng mga OFW at ibang Pilipino sa Pilipino Star Ngayon na nagpapadala sa kanila na parang hindi sila malayo sa Pilipinas kahit nasa dayuhang lupain sila.
Hindi na bago sa Gitnang Silangan ang Pilipino Star Ngayon. Bago ito dumating sa Qatar at Bahrain ay nagkaroon na rin ito ng mga kopya sa Saudi Arabia mula noong dekada 90. Marami ngang OFW sa Saudi ang malimit sumulat sa pahayagang ito na isang katibayan ng mainit na pagtangkilik nila sa Pilipino Star Ngayon. Umaasa rin naman ang pamunuan at kagawad ng Pilipino Star Ngayon at ng Dar Al Sharq na masisilbihan din nito ang mga OFW at ibang mga Pilipino sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan tulad sa United Arab Emirates, Oman, Syria, Lebanon, Kuwait, Jordan at Yemen. Kung nasaan naroon ang mga Pilipino, naroon din ang Pilipino Star Ngayon.