^

Bansa

Siksik sa Karanasan, siksik sa Kasaysayan

- Ni Ramon M. Bernardo Editor-PSN Middle East Edition -

MANILA, Philippines - Noong maliit na bata pa ako, daan-daan libong segundo na ang nakakaraan, nakakabasa na ako ng kopya ng Pilipino Star. Si Ferdinand Marcos pa ang presidente noon. Nasa elementarya pa ako nang panahong iyon at, sa bahay namin, tanging Pilipino Star lang ang pahayagang madalas bilhin ng isa kong tiyuhin.

Hindi naman manunulat ang tiyuhin kong iyon. Isa siyang duktor sa mata pero mahilig siyang magbasa ng diyaryo, libro, magazine, komiks at iba pa. Kung ano ang mga binabasa niya, nababasa ko rin (tinitiyak ko lang na tapos na niya iyong basahin para hindi ako mapagalitan). Ewan pero, lingid sa kanyang kaalaman, pinukaw niya ang interes ko sa talinhaga ng mga katagang nalilimbag sa papel.

Sinasabing, nang panahong iyon, sa pagitan ng huling bahagi ng dekada 60 at unahang bahagi ng dekada 70, nangungunang dyaryong Pilipino o Tagalog na tabloid sa buong bansa ang Pilipino Star. Pinamamahalaan pa ito noon ni Mr. Andrew Go, kapatid ng namayapang si Gng. Betty Go-Belmonte na siya namang nagtatag kinalaunan ng Pilipino Star NGAYON.

Kabi-kabila noon ang mga demonstrasyon ng mga estudyante na bumabatikos sa administrasyon ni Marcos. Halos araw-araw ay natutunghayan ko ang mga balitang ito sa Pilipino Star.

Dito ko rin natunghayan kung gaano kalaki ang pinsalang idinulot ng isang malakas na lindol na yumanig sa Maynila noong Agosto 2, 1968. May 260 katao ang nasawi sa pagguho ng isang gusali sa Maynila na tinatawag na Ruby Tower.

Nasundan ko rin sa Pilipino Star ang tungkol sa wanted na si Nardong Putik at ang pagkakapatay sa kanya sa Cavite noong 1971. Kung paano napa­suko ang isa ring wanted na kriminal na may alyas na “Waway.” Hindi laging huli sa balita ang Pilipino Star. Nabasa ko rin noon kung paano dinelubyo ng bagyong Yoling ang Luzon noong 1970 at ang mala­king bahang idinulot nito. Maging ang maliit na bahay namin ay biglang nagkaroon ng “swimming pool” dahil kay Yoling.

Gayunman, nawala sa sala namin ang mga kopya ng Pilipino Star mula noong Setyembre 1972 dahil ipinasara ito ni Marcos at ang iba pang mga pahayagan, istasyon ng radyo at tele­bisyon.

Kasabay ng pagdedeklara niya ng batas militar. At sumunod na ang mara­ming taon na naging madugo sa kasaysayan ng bansa hanggang sa napatalsik sa puwesto si Marcos sa isang people power revolution. 

Pero taong 1986, ang kapatid ni Mr. Andrew Go na si Gng. Betty Go-Belmonte ay nagpasyang magbukas ng isang pahayagan para sa masang Pilipino. Tinawag itong Ang Pilipino Ngayon na nagsimulang matunghayan noong Marso 17, 1986.

Sa pagkakaalam ko, hindi na muling nagamit ang pangalang “Pilipino Star” dahil sentimental ito sa dating publisher nito.

Gayunman, determinado si Ma’m Betty na mabigyan ang mga ordinaryo at mahihirap na mamamayan ng isang klase ng pahayagan na madali nilang mauunawaan at abot-kaya ng kanilang bulsa.

Nagtuloy sa pamamayagpag ang APN. Marami ang nagulantang lalo pa at mabibili lang sa halagang piso ang isang kopya ng APN nang panahong iyon. Unahang bahagi ng taong 1987 nang makuha akong reporter ng APN. Nang panahong iyon, nangunguna sa laki ng sirkulasyon ang pahayagang ito. Nakadama ng insecurity ang ibang mga tabloid.

Dahil hindi pa uso ang e-mail o internet, umaalingawngaw pa sa editorial room ng APN araw-araw ang nagsasalimbayang “huni” ng mga makinilya araw-araw sa paghahanda ng mga editor at ng mga reporter ng isusulat at ilalathalang mga balitang ihahatid sa masang Pilipino.

Hindi rin nagpapahuli ang APN sa mga nagaganap sa Pilipinas at sa ibang bansa. Natunghayan din dito kung paano numbalik ang demokrasya sa ilalim ng pamumuno ni Cory Aquino at kung paanong pinutakti ito ng mga kudeta pero patuloy pa ring nakatindig. Naging tampok din sa APN ang tungkol sa lalaking buntis at ang paglubog ng barkong MV Dona Paz na ikinasawi ng maraming pasahero nito.

Dumaan din ang APN sa maraming balakid at hamon. Marami rin naman ang nagmaliit o umismol o kumutya rito na kesyo hindi raw ito tatagal. May mga umalis o nawala pero meron ding dumarating na bago at pumapalit sa kagawaran ng APN.

Dumating din ang panahon na dinanas ng pahayagan ang mga problemang karaniwan sa mga babasahing tulad ng APN. Pero hindi nawalan ng loob si Ma’m Betty. Nagsilbi siyang huwaran ng mga empleyado ng pahayagan. Determinado. Matiyaga.

Hinayaan niyang makiagos sa daloy ng panahon ang APN kahit naglipana ang mga tabloid na umaastang “pahayagan” pero mga pornograpikong babasahin pala. Unahan ng dekada 90 nang idagdag ang salitang “Star” at naging “Ang Pilipino Star Ngayon” ang pangalan ng tabloid na kinalaunan ay ginawa nang “Pilipino Star Ngayon” dahil isa na siyang bahagi ng lumalaki at umuunlad na Star Group of Publications.

Nang pumanaw si Ma’m Betty, ipinagpatuloy ng anak niyang si Mr. Miguel G. Belmonte ang kanyang nasimulan. Sa masigasig na patnubay ni Sir Miguel, unti-unting umahon ang PSNgayon hanggang sa manguna na naman ito sa industriya ng pamamahayag. May 26 na taon na ang nagdaan, marami na ang nangyaring pagbabago sa Pilipino Star Ngayon.

Bukod sa umaabot na ang mga kopya nito mula Luzon hanggang Mindanao at sa ibayong-dagat, matutunghayan na rin ang Pilipino Star Ngayon sa internet at mababasa na rin siya sa iPhone at iPad. Malayo na ang nararating ng pahayagang ito at patuloy pang inaabot ang hinaharap.

Sumabay na rin ang Pilipino Star NGAYON sa pagsulong ng teknolohiya. Naglaho ang maiingay na makinilya. Computer na ang ginagamit ng mga reporter sa pagsulat ng balita at ibang lathalain.

Sa computer na rin inaayos ang mga pahina ng dyaryo. Naghing mas mabilis ang pagpapadala ng mga reporter ng balita sa newsroom dahil sa internet o e-mail. At naging mas mabilis na ang paglalathala ng Pilipino Star NGAYON dahil sa sistemang computer to plate.

Malayo na ang nararating ng pahayagang ito at patuloy pang inaabot ang hinaharap lalo pa’t nakalagpas na ito sa dalawampu’t limang taong namamayagpag sa pagli­lingkod sa masang Pilipino.

APN

BETTY GO-BELMONTE

PILIPINO

PILIPINO STAR

PILIPINO STAR NGAYON

RIN

STAR

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with