MANILA, Philippines - Maraming kasaysayan ang hindi maikakailang nagkaroon ng bahagi sa Pilipino Star Ngayon, mula ng ito ay ipinanganak matapos ang People Power noong 1986.
Isa ang PSN sa sampung mediamen na napiling magkober ng “live” sa pagpapatupad ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection sa child rapist na si Leo Echegaray.
Ako na noong 1999 ay correspondent ng PSN ay pinalad na mapiling ikober ito.
Personal kong nasaksihan ang pagsalang ni Echegaray sa kamatayan.
Hindi ko malilimutan ang coverage na ito dahil unang pagkakataon ko ito na masasaksihan ang isang taong pinapatay nang dahan-dahan.
Si Echegaray ay binitay matapos na ma-convict sa kasong rape na isinampa sa kanya ng kanyang anak na si Baby na noon ay 10-taong gulang lamang.
Makasaysayan ang pagkakabitay kay Echegaray dahil siya ang unang kriminal na nabitay sa ilalim ng bagong Death Penalty law na pinagtibay noong 1993.
Itinuturing na breakthrough ang pagkakabitay kay Echegaray dahil nangangahulugan lamang ito na may ngipin ang batas sa panahong ito. Gayunman, hanggang sa huling sandali ay hindi inamin ni Echegaray ang kanyang pagkakasala kahit sa kanyang huling hininga. Bagkus ay humingi lang siya ng tawad sa sambayanan at hindi partikular sa kanyang anak na si Baby.
Mag-aalas tres na ng hapon nang pumasok kami sa lethal injection chamber at unang tumambad sa amin ang kurtinang tumatakip sa likod ng one-way mirror na siyang viewing area ng kinaroroonan namin.
Ang mga huling salitang narinig ko na binigkas ni Echegaray ay ang “Diyos ko mamamatay na ako. Sobra na kayo. Sinasaktan ninyo ako lagi”.
Ilang sandali pa muli itong nagsalita ng mga katagang “Patawarin ninyo ako sambayanang Pilipino sa kasalanang ibinibintang ninyo sa akin. Pilipino pinatay ang kapwa Pilipino”.
Nang iturok ang unang gamot sa kanya sandali lang ay naghilik na si Echegaray kasunod nito ay nakita ko ang paggalaw ng kanyang kaliwang paa na ito marahil ang kanyang huling pagkilos.
Ilang sandali pa ay narinig na ang mga hagulgol, hudyat na tuluyan na itong pumanaw.
Isang makasaysayang karanasan ng inyong lingkod, isang kaganapan na ang bawat sandali ay inihatid at inilahad ng PSN.
Isa lamang ito sa mga mahahalagang kaganapan sa bansa kung saan naging bahagi ang PSN, kaya nga hanggang sa ngayon ay patuloy na pinagkakatiwalaan ng nakararami.