PSN at 'Demolition Man' ng Mla. City Hall
MANILA, Philippines - Masalimuot subalit puno ng kulay at inspirasyon ang pagtatrabaho ni Engr. Melvin Balagot bilang isang ordinaryong empleyado sa Manila City hall sa loob ng 26 anim na taon hanggang sa makamit niya ang kanyang tagumpay. Totoo nga aniya ang kasabihan na ang buhay ay parang gulong.
Taong 1986 nang binansagang “Demolition Man” si Eng. Balagot dahil sa kanyang ginigibang gusali, bahay, squatters area bagama’t marami ang tumutol sa kanyang ginagawa. Para kay Eng. Balagot, naaayon lamang sa batas at ordinansa ang kanyang ipinatutupad. Engineer I pa lamang siya noon.
Naging laman ng pahayagan ang madudugong demolisyon sa Maynila na si Engr. Balagot ang nagsasagawa. Katuwang niya ang pahayagan tulad ng Pilipino Star Ngayon sa umaga, araw-araw.
Inuumpisahan niya ang trabaho sa dyaryo at kape. Ang mga dyaryo ang siyang naging sandigan ni Eng. Balagot upang isagawa ng tama ang kanilang tungkulin at itama naman kung mayroon silang pagkakamali.
Walang puwang sa gobyerno ang isang balat-sibuyas na opisyal. Mas dapat na hinaharap ang mga isyu na may kinalaman sa tungkulin.
Sa pagtalima sa kanyang tungkulin, aminado si Eng. Balagot na bukol, sugat at pagbabanta sa buhay ang kanyang natatanggap. Bagama’t may takot, ipinauubaya na lamang niya sa Diyos sa araw-araw ang kanyang sarili at idinadalangin na sana’y para sa ikabubuti ito ng nakararami.
Hindi rin matatawaran ang mga kasong kanyang kinaharap kabilang na ang illegal demolition dahil sa umano’y kawalan ng mga legal na kautusan na gibain ang mga bahay, gusali mula sa korte; harassment, dahil sa paggamit umano niya ng kanyang posisyon at kapangyarihan upang isagawa ang paggiba, at robbery dahil naman sa pagkawala ng mga kagamita ng mga apektado ng demolisyon. Subalit ang lahat ng mga ito ay nadismis ng korte.
Aminado ang “Demolition Man” na pinakamalaking hamon sa kanya ay ang pagpapaalis ng mga squatters sa Smokey Mountain at sa Parola dahil ang mga naninirahan dito ay ginagamit ng mga pulitiko. Ika nga ni Eng. Balagot, “hanggat may politiko may squatters.”
Sa ganitong sitwasyon sinabi ni Eng. Balagot na kailangan dito ang political will.
Sa kanyang ginawa ay nakatanggap siya ng mga parangal kabilang na ang Model Employee of the Year ng Rotary Club Downtown Manila Chapter.
Napromote siya bilang Engineer IV at V noong taong 1994 at 1995.
Nagsimula ang kanyang kalbaryo taong 1996 nang maging alkalde si Lito Atienza. Inakusahan siyang “tuta” ni Manila Mayor Alfredo Lim at ilagay sa floating status.
Bilang isang civil engineer, hindi naging hadlang kay Eng. Balagot ang “demotion” upang ituloy ang kanyang trabaho. Para sa kanya, kailangan niyang serbisyuhan ang Manilenyo.
Inilagay siya sa traffic, koleksiyon ng mga vendor sa Divisoria na hindi naman niya ininda. Lagi na lamang niyang sinasabi na “ it’s part of the game”.
Ngunit nagpatuloy ang kanyang hirap dahil itinapon naman siya sa Department of Public Services (DPS). Paghahakot ng basura at paglinis ng mga kalat sa kalye ay ginampanan na rin ng isang engineer dahil bahagi ito ng pagseserbisyo sa mga Manilenyo.
Nagbago ang kanyang kapalaran taong 2007 ng muling mahalal si Lim. Naitalaga siya sa Engineering Department hanggang sa i-appoint bilang hepe ng City Planning at City Building Official.
Ipinakitang muli ni Eng. Balagot ang kanyang pagiging “Demolition Man” dahil muli siyang nagpagiba ng mga condemned building para na rin sa kapakanan at kaligtasan ng publiko.
Mas tinutukan ni Eng. Balagot ang tungkulin kaysa sa gantihan ang mga taong umapi at nagmaliit sa kanya. Para sa kanya, mas mabuting kalimutan ang nakaraan at gawin ng tama ang trabaho.
Maipagmamalaki ni Eng. Balagot na naging katuwang niya sa pag-ikot ng kanyang buhay ang pagbabasa ng Pilipino Star Ngayon dahil ito ang kanyang naging batayan at inspirasyon upang alamin ang pangangailangan ng lungsod.
Tulad ng PSN na may kinakaharap ding problema gaya ng kompetisyon at kaso tulad ng libel case, sinabi ng Demolition Man na hindi siya tumitigil sa pakikipaglaban sa hamon ng buhay. Hindi nagpatalo sa mga pang-aapi, intriga at kontrobersiya si Eng. Balagot.
Alam niyang maraming naiingit sa kanyang posisyon subalit “trust and confidence” lamang ni Mayor Lim ang kanyang pinanghahawakan. “Hindi ako kapit-tuko sa posisyon”, ayon kay Eng. Balagot.
Nagtapos bilang isang Civil Engineer si Balagot at isa rin siyang Sanitary Engineer. Siya ngayon ang chief ng City Building Official ng Manila City hall.
- Latest
- Trending