MANILA, Philippines - SA kalagitnaang bahagi ng dekada nobenta dumanas ng dambuhalang hamon ang Pilipino Star NGAYON. Ito ay dahil sa paglaganap ng mga malalaswang tabloids na nakaapekto sa sirkulasyon ng pahayagang ito.
Bagama’t nanatili ang mga loyal readers ng NGAYON, mayroon ding mga bumaling sa mga lathalaing kumikiliti sa makamundong damdamin.
Hindi puwede sa NGAYON ang mga artikulong “sexy”. Lalong hindi puwede ang mga larawan ng magaganda at batambatang babaeng halos hubo’t hubad. No way din tayo sa mga artikulong gumigising sa pagnanasa ng tao. Palibhasa’y ito ang iniwang pamana ng founding chairperson ng NGAYON na si Tita Betty Go-Belmonte, ina ng ating CEO na si Miguel Belmonte.
Natatandaan ko pa ang bilin ni Tita Betty noon sa akin nang ako ay isa lamang news correspondent na nagko-cover sa Malacañang. “Hindi baling katamtaman lang ang kita ng pahayagan pero hindi tayo gagamit ng mga material na hindi katanggap-tanggap sa Diyos para lang maitaas ang ating benta.”
Ngunit sa ibang mga tabloids na namayagpag noong araw, hindi lang halos hubad kundi sadyang hubo’t hubad ang mga larawan ng babaeng kanilang inilalathala. Mayroon pang ibang nangahas na naglathala ng babae at lalaki sa akto ng pagtatalik.
Napakadaling makahatak ng readership lalo na sa panig ng kalalakihan ang ganyang uri ng lathalain. Palibhasa, (hindi naman natin nilalahat) likas ang kapilyuhan ng maraming lalaki na kinagigiliwang magbasa ng mga artikulong nakakaantig ng pagnanasa at tumingin sa mga larawang nabanggit na natin.
Problemang malaki ito para sa isang pahayagan tulad ng NGAYON na hinubog sa mga panuntunang makaDiyos. Bilang punong-patnugot ng pahayagan, kinausap ako ng ating butihing publisher na si Miguel Belmonte para pag-usapan kung paano haharapin ang ganitong problema.
Sinubukan nating maglathala ng retrato ng mga babaeng artista na hindi naman mahahalay pero nakakaakit sa mata hindi lamang ng mga lalaki kundi ng mga babae. Wika nga, sinamantala natin ang star value ng mga artistang ito upang mahikayat na magbasa sa ating pahayagan ang kanilang milyun-milyong mga fans.
Umangat ang sirkulasyon ngunit bahagya lang dahil hindi maawat sa merkado ang mga sexy tabloids.
Pinulong natin ang buong editorial board para hingan ng mga suhestyon kung paano magiging mas appealing ang NGAYON sa mga mambabasa. Sa kabila nito’y naroroon pa rin ang ever-loyal readers ng NGAYON na hindi bumibitaw sa pagtangkilik.
Panalangin lang pala ang katapat. Sa sama-samang panalangin ng staff na bumubuo sa pahayagan, binigyan kami ng malinaw na direksyon ng Panginoong Diyos.
Nakapag-isip kami ng sari-saring gimmick o makabagong sangkap ng pahayagan upang ang NGAYON ay hindi lamang maging kaakit-akit kundi kakaiba sa paraang hindi garapal at malaswa.
Naglagay tayo ng “Litra-talks” sa pabalat ng pahayagan na ang konsepto’y papag-usapin ang tunay na larawan ng mga kilalang tao sa pulitika at ang mga cartoon characters sa paraang katawa-tawa. Sa grasya ng Panginoon, ito’y pumatok sa tao at nagkaroon ng upward movement ang sirkulasyon ng NGAYON.
Pinaganda rin ang showbiz section ng pahayagan sa pagdaragdag ng mga bantog at kilalang movie writers at dinagdagan ang mga kontrobersyal na artikulo hinggil sa buhay ng mga artista. Lalong tumaas pa ang benta ng pahayagan dahil ibayong pagtangkilik ang tinamo mula sa mga movie fans.
Lahat ng importanteng sections tulad ng Libangan, Sports, Opinion at ang main section na naglalahad ng mga importanteng balita ay lalo pang pinaganda. Tunay na ginawang siksik sa balita at impormasyong di lamang kapupulutan ng kaalaman kundi ng kaaliwan ng madlang mambabasa.
Hindi na mapigil ang paglobo ng benta ng NGAYON at ito’y lalo pang umangat sapul nang ilagay sa pabalat ang isang logo na nagtataas sa Panginoong Diyos. Ang nakikita ninyong maliit na buton sa harapan na may nakatitik na “God First “ at “Glory to the King” ang lalong nagpaangat sa benta ng NGAYON.
Ayon sa mga newspaper dealers, lumalabas sa record ng kanilang naibebentang pahayagang tabloid na pinakamabili ang NGAYON kumpara sa ibang kilalang tabloids. Salamat din sa mga newspaper dealers na ito na masugid ding sumusuporta sa ating pahayagan.
Sinasabi sa Salita ng Diyos na kapag itinaas natin Siya, itataas naman niya tayo. Hindi lang balitang nagaganap sa araw-araw ang inihahatid ng NGAYON kundi maging ang Mabuting Balita ng Diyos na regular na laman sa ating Opinion Page na may pamagat na “Pagkain sa Araw-araw.”
Hindi puwedeng ilathala ang ating pahayagan na wala ang mga sangkap na ito na nagbibigay ng moral upliftment at inspirasyon sa mga mambabasa.
Malaki rin ang naitulong ng kampanya ng pamahalaan laban sa mga malalaswang babasahin. Naging puspusan ang mga awtoridad sa paghuli sa mga pahayagang malalaswa at pag-raid sa mga pinaglilimbagan ng mga ito.
Naniniwala kami na ang serbisyo ay hindi nagtatapos sa paghahatid ng balita kundi ng paghubog sa moralidad at kagandahang asal lalo na ng mga kabataang mambabasa.
Marahil ay magtataas ng kilay ang ilan pero ito ang aming krusada at sinasang-ayunan at binibigyan pa ng double thumbs up ng marami nating tagatangkilik.
Sa panunungkulan ko bilang punong patnugot ng NGAYON sa nagdaang 16 na taon, napatunayan ko na walang tatalo sa pormulang unahin ang Diyos at sumunod sa kanyang mga tagubilin para pagpalain ang ano mang gawain.
Sa mga mahal naming tagasubaybay, maraming-maraming salamat sa walang tigil ninyong pagtangkilik at ito’y masusuklian lang namin ng pinag-ibayo at pinagandang serbisyo.