Summer job sa mga estudyante
MANILA, Philippines - Magiging produktibo na ngayon ang bakasyon ng mga estudyante dahil sa Special Program of Employment for Students (SPES) na ginagawa ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian.
Ang SPES ay summer job program ng pamahalaang lokal para sa mga kabataan sa nasabing lungsod.
Para sa mga magulang, malaking bagay ang naturang programa dahil bukod sa magkakaroon ng kita ang kanilang mga anak, madagdagan ang kanilang karanasan at kaalaman sa mapipiling trabaho na inaalok ni Gatchalian.
“Dapat kahit bakasyon sa eskuwela, productive ang ating mga kabataan. Maaga pa lang ay makita na nila ang importansya ng pagtratrabaho ng mabuti,” anang alkalde na kabilang sa awardee ng 2011 Ten Outstanding Young Men (TOYM) sa bansa.
Sa summer job ng Valenzuela, mahuhubog sa mga kabataan ng lungsod kung paano maging masinop sa pagkuha ng pera, maging responsable sa bawat ginagawa, magkakaroon ng maraming kaibigan at higit sa lahat, maipapakita sa kanila kung gaano kahalaga ang edukasyon sa larangan ng pagtatrabaho.
May personal na pagkiling si Gatchalian sa mga kabataan dahil lingid sa kaalaman ng lahat, ang alkalde ay naging ‘kargador’ sa kanilang plastic business tuwing dumarating ang ‘summer vacation. Na ibig sabihin, hindi dahilan sa mga kabataan na hindi maging produktibo tuwing araw ng bakasyon.
Taong 1995 pa nang ipatupad ng lungsod ang SPES at umabot sa mahigit 4,000 ang nakinabang dito. Sa kasalukuyang taon, may 3,300 estudyante na ang nagkaroon ng summer jobs.
- Latest
- Trending