MANILA, Philippines – Kinuwestiyon kahapon ng ilang senador ang isang memorandum of agreement (MOA) kung saan maaari ng masilip ang deposito sa bangko ng mga pinaghihinalaang tax evaders.
Sa pagdinig ng Senate Bill No. 3009 kaugnay sa planong pag-amiyenda ng Anti-Money Laundering Act (AMLA), kinuwestiyon ni Sen. Joker Arroyo ang nasabing MOA dahil sa posibilidad na may nalalabag itong batas.
Pinaiimbestigahan ni Arroyo sa Senado ang nasabing MOA dahil hindi naman umano sakop ng kapangyarihan ng AMLC ang paghabol sa mga hindi nagbabayad ng buwis.
Ang MOA ay nilagdaan nina AMLC Executive Director Vicente Aquino at BIR Commissioner Kim Henares.
Nakasaad dito na magtutulungan ang dalawang ahensiya ng gobyerno para sa paghabol ng mga tax evaders sa ilalim ng programang RATE o Run After Tax Evaders ng BIR.
Tiniyak ni Sen. Teofisto Guingona III na iimbestigahan ng oversight committee ang kontrobersyal na MOA.
Hindi naman naipasa ng Senado ang panukala na naglalayong maamiyendahan ang AMLA na siyang hinihingi ng Financial Action Task Force (FATF) upang hindi ma-blacklist ang Pilipinas.