Buong mundo 1-oras magdidilim

MANILA, Philippines – Inaasahang muli na namang magdidilim sa loob ng isang oras ang mundo sa sabay-sabay na pagpapatay ng ilaw ng mga nakikiisang bansa sa darating na “Earth Hour” ngayong Marso 31.

Opisyal na inilunsad kahapon sa The Peninsula Manila sa Makati City ang “Earth Hour+ Philippines” upang muling pangunahan ang kampanya para sa kalikasan at paglaban sa “climate change”.

Nanawagan si Lorenz Jose Tan, bise-presidente ng World Wildlife Fund-Philippines (WWF), sa mga Pilipino na makiisa sa pagpatay ng ilaw mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi sa Marso 31. Nitong Earth Hour 2011 ay nasa 1,554 lungsod at munisipalidad ang nakiisa.

Nakipagkoordinasyon na rin ang WWF sa Department of Energy (DOE) upang mabatid kung hanggang saan ang matitipid na kuryente sa bansa sa loob ng isang oras na pagpatay sa kuryente.

Inilunsad rin ng WWF ang programa maging sa internet social network na “Facebook at Twitter” kung saan hinihikayat ang lahat ng account users na mag-post ng kanilang magagawa para sa kalikasan habang hahamunin rin ang isang kaibigan na gumawa rin ng maganda para sa kapaligiran. 

Bukod umano sa pagpatay ng ilaw sa isang oras, maaaring makatulong ang isang Pilipino para sa kalikasan sa mga maliliit na kontribusyon tulad ng pagtatanim ng halaman, pagbabayad ng mga bills sa pamamagitan ng online paying kung saan hindi gagamit ng papel at iba pa.

Show comments