MANILA, Philippines – Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kasong administratibo at kriminal laban kay dating Department of Education (DepEd) head Jesli Lapus at at iba pang opisyal ng ahensiya dahil nabigo umano ang Kolonwel Trading na mapatunayan na mayroong anomalya sa bidding at overpricing sa pagbili ng fortified noodles.
Sa 18-pahinang Joint Resolution na inaprubahan noong March 6, 2012, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na nabigo si Prudencio Quido, sales agent ng Kolonwel Trading, na mapatunayan ang kanyang paratang na mayroong overpricing.
Idinagdag pa ng desisyon na nakita ng Review Committee na pinamunuan noon ni Undersecretary Ramon Bacani na ang halagang ibinayad ng DepEd sa nanalong bidder ay makatwiran.
Kinontra rin ng Ombudsman ang bintang ng Kolonwel Trading na niluto ang bidding at ibinigay sa nanalong bidder dahil sa inilabas ang proseso ng bidding sa isang pahayagan na mayroong general circulation.
“On account of such publication, several public bidders including the complainant’s corporation, Kolonwel Trading, actually bought bid documents in 2007,” nakasaad sa desisyon.