MANILA, Philippines – Kalat na maging sa international media ang bagong estilo ng kilos protesta ng mga militante na “Noynoying”.
Nabatid na nalathala sa Wall Street Journal ang bansag na “Noynoying” na patama umano kay Pangulong Aquino.
Sa kabila nito, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na hindi nagpapaapekto ang Palasyo at iginiit na patuloy lamang sa kanyang trabaho si Pangulong Aquino sa gitna ng ginagawang pagbatikos sa kanya.
Sinabi pa ni Lacierda, nakasaad sa Konstitusyon ang kalayaan sa pamamahayag at dapat itong mangibabaw.
Aniya, hindi haharangin bagkus ay irerespeto ang nasabing karapatan ng mga mamamayan, kalaban man o kakampi sa gobyerno.
Wika pa nito, malinis ang kanilang konsensya at hindi papaapekto sa ganitong uri ng paninira sa Pangulo.
Nilinaw din ni Lacierda na walang kinalaman sa “noynoying” ang photo releases ng Malacañang kung saan ipinapakitang nagtatrabaho ang Pangulo.
Ang Noynoying ang pamalit ng grupo sa planking.
Napaulat na sinabi ni Anakbayan national chairman Vencer Crisostomo na ang “effortless pose” na ipinakita ng mga kabataan ay isang patama sa Pangulo na wala umanong ginagawa para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at tuition fees.
Ayon kay Crisostomo, bukod sa pagtutunganga, magiging bahagi na rin ng noynoying ang paglalaro ng PSP at pagtetelebabad. na nagpapakita ng pakikipag-usap ng matagal sa telepono ni PNoy kay Grace Lee.