MANILA, Philippines – Latak lamang umano ang naipagkaloob na 50 sentimong dagdag sa minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Ayon kay Goerge San Mateo, national president ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), walang tulong sa kanilang hanay ang naitaas na 50 cents sa pasahe sa jeep dahil para lamang ito sa epekto ng pagtaas ng halaga ng diesel sa kanila.
Mas mainam anya na gumawa na lamang ng hakbang ang pamahalaan na maalis ang buwis sa langis at maamyendahan ang Oil Deregulation law dahil ito naman talaga ang ugat ng pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo na siyang nagiging daan para tumaas ang halaga ng mga bilihin, mga serbisyo at iba pa.
Sinabi naman ni Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, na pampalubag loob lang ang naibigay na taas sa pasahe sa jeep.
Hindi naman anya mainam na magsagawa ng tigil pasada ang transport sector para lamang kondenahin ang walang habas na oil price hike pero para hindi mangyari ito ay napapanahon nang gumawa ng hakbang ang pamahalaan para malunasan ang problema na ang ugat ay ang serye ng pagtataas ng halaga ng gasolina at diesel.