MANILA, Philippines – Naalarma kahapon ang pamahalaan sa napipintong pagpapakawala ng mga rocket missile ng North Korea sa darating na Abril 12 hanggang 16 ng taong ito.
Ayon kay Defense spokesman Dr. Peter Paul Galvez, imomonitor ng kanilang tanggapan ang nasabing plano ng North Korea kasunod ng ulat na ang ‘rocket launch’ ay posibleng magdala ng mga delikadong debris sa Luzon na ‘flight path’ ng paglulunsad ng mga missile.
Sinabi ni Galvez na masusi nilang aalamin ang mga detalye sa ‘rocket missile‘ ng Nokor upang mabigyan ng babala ang mga taong posibleng maapektuhan ng debris nito sa Luzon.
Sa kabila nito, tiwala naman si Galvez na walang mangyayaring masama dahil puwedeng ikalat ng hangin sa himpapawid ang mga debris ng missile.
Ipinalalagay ng Estados Unidos, Japan at South Korea na ang planong rocket launch ng Nokor ay bahagi ng pangmatagalang missile test na isa umanong paglabag sa nakasaad sa United Nations Security Council (UNSC) resolution.
Sa pahayag ng North Korea, may karapatan umano sila sa pagtiyak sa pag-iral ng kapayapaan sa himpapawid matapos na abisuhan ang aviation at maritime officials sa mga bansang daraanan ng missile.