Pulse Asia: Corona guilty

MANILA, Philippines - Halos kalahati ng mga Filipino ang naniniwala na guilty si SC chief justice Renato Corona na nahaharap sa impeachment case.

Sa survey na isinagawa ng Pulse Asia, sinabi ng 47 porsyento na guilty si Corona samantalang limang por­syento lamang ang nagsabi na siya ay inosente.

Ang nalalabing 43 porsyento naman ay “undecided” pa hanggang sa ngayon.

Ang survey ay ginawa noong Pebrero 26 hanggang Marso 9 kung kailan hindi pa nakakapagprisinta ng ebidensya ang depensa subalit humarap na si Corona sa media upang magpaliwanag.

Naniniwala naman ang 68 porsyento na magiging patas ang mga senador sa paggagawad ng hatol kay Corona habang 22 porsyento lamang ang naniniwala na mayroon silang kikilingan. Ang walong porsyento pa ay undecided.

Ayon naman kay Marikina Rep. Miro Quimbo, ng prosekusyon, bagamat malaking tulong sa kanila ang Pulse Asia survey mahirap pa rin umanong matukoy kung makukuha nila ang boto ng 16 na senador.

Show comments