GMA lulusot din
MANILA, Philippines - Isang malinaw na “victory” para kay Pampanga Rep. at dating Presidente Gloria Arroyo kapag nalusutan ni Chief Justice Corona ang impeachment case laban sa kanya.
Ito ang pahayag ng mga political activists sa pangunguna ni TV ad director Mae Paner na kilala rin sa tawag na “Juana Change” na nagsabing ang boto para ma-abswelto si Corona ay boto na rin para maabswelto si Arroyo sa mga kasong hinaharap niya.
Aniya, kapag nalusutan ni Corona ang impeachment trial, lalong mawawala ang tiwala ng mga taumbayan at ng iba pang mga bansa sa gobyernong ito.
“Bigung-bigo na tayo noon sa kamay ng mga nakaraang presidente. Nagluklok nga ng di corrupt, pero bigo pa rin dahil di nako-convict ang mga tulad nila GMA at Corona at marami pa! Nasaan ang hustisya?” sabi ni Paner.
Dagdag pa niya, lalong mahihirapan ang gobyerno na usigin at mahatulan ang mga corrupt na opisyal ng pamahalaan kung mananatili sa pwesto si Corona.
“Patuloy na maghahari si GMA at ang kanyang mga kampon kapag nagpatuloy bilang Chief Justice si Corona,” babala pa ng grupo.
Iginiit pa niya na dati nang lantad ang katotohanan laban kay Corona at Gloria, pero minapula lamang ito dahil sa interes ng mga senator judges. Itinatago anya ang katotohanan sa ligalidad at procedural law.
“Nabababoy ang katotohanan,” sabi ni Paner
- Latest
- Trending