Sin tax haharangin ng 'solid north'
MANILA, Philippines - Haharangin ng mga Kongresista mula sa Hilagang Luzon ang balak ng Department of Finance (DOF) na bersyon nito sa tinatawag na “sin tax” bill na nananawagan para sa unitary excise tax system para sa mga produktong Tabako at Alcohol.
Ayon kay La Union Rep. Victor Ortega, president ng Northern Luzon Alliance, inaasahan niya ang miyembro ng organisasyon na tinawag nitong “solid north” na mananatili sa kanilang paninindigan matapos na malaman na hindi suportado ni Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson ang House Bill 5727 na naglalaman ng bersyon ng DOF sa panukalang sin tax.
Siniguro ni Ortega na tutulan nila ang unitary tax system dahil buo ang northern alliance at plano nilang mag-black voting upang maprotektahan ang industriya ng tabako.
Anya, ang HB 5727 ay ikinokonsidera ng mga kongresista na makakasira sa interes ng kanyang mga constituents gayundin sa tobacco industry.
Iginiit pa ng beteranong mambabatas, na isusulong ng NLA ang pag-apruba sa “sin tax” bill na inihain ni Rep. Eric Singson Jr. na pinuno ng subcommittee on revenues.
Nilinaw naman ni Singson na ang kanyang pahayag sa sin tax ay para lang sa kanyang pananaw na ang panukala ay dapat maisabatas subalit hindi dapat na maapektuhan ang pinagkukunan ng pangkabuhayan ng mga magsasaka mula sa Regions I at II.
Matindi umano ang pagtutol ng mga tobacco farmers mula sa Regions I at II dahil sa paniniwalang ang HB 5727 ay magkakaroon ng matinding epekto sa industriya ng tabako bukod pa dito ang paglaganap ng smuggling ng sigarilyo mula sa katabing bansang Asya.
- Latest
- Trending