MANILA, Philippines - Simula sa susunod na pasukan ay lusaw na ang 1st year high school na pasok ng mga estudyante at lahat ng magtatapos sa grade 6 ngayon taon ay papasok sa grade 7 sa darating na pasukan.
Inihayag ni Fr. Gregorio “Gregg” Bañaga Jr., presidente ng Adamson University at isa sa pangunahing nagsusulong ng K to 12 program ng Department of Education (DepEd), na nagpatawag na siya ng pagpupulong sa lahat ng magulang na nasa grade 6 at ipinaalam ang nasabing plano ng DepEd.
“Wala na pong tata waging 1st year high school sa halip ay grade 7 na at sa susunod na mga taon ay grade 8, 9, 10, 11 at 12.” ani Fr. Gregg.
Si Fr. Gregg ay siya ring pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines o samahan ng lahat ng paaralan na pinatatakbo ng simbahang Katoliko.
Aniya, nasa ‘chronic illness’ o naghihingalo na ang kalagayan ng edukasyon sa bansa kaya kailangan ng baguhin ang sistema ng pagtuturo sa mga estudyante para makasabay sa ‘global competition’.
Inihayag pa ni Fr. Gregg na may suporta naman ang pamahalaan sa mga mag-aaral sa mga pribadong paaralan sa pagpapatupad sa K to 12 kung saan ay P10,000 sa National Capital Region (NCR) at P5,000 naman sa mga probinsiya habang libre sa mga pampublikong paaralan.
Tutol ang ilang magulang sa dagdag na dalawang taon na pag-aaral ng mga estudyante dahil panibago umanong pasanin sa kanila ang dagdag na gastos sa tuition fee at iba pang bayarin pero wala ng magagawa dahil sisimulan ng ipatupad ng DepEd ang K to 12 program nito sa darating na pasukan.