Lisensiya ng manning agency pinawalambisa

MANILA, Philippines - Pinawalambisa ng Philippine Overseas Employment Administration ang lisensiya ng isang manning agency dahilan sa umano’y paglabag sa Anti-Dummy Law ng mga corporate officers nito na labag sa mga patakaran at regulasyon ng POEA.

Tinukoy sa kautusan ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac ang Sun Marino Shipping Inc. na ang bisa sana ng lisensiya ay hanggang Abril 14, 2014 pero kinansela na ng POEA.

Idiniin ni Cacdac na, alinsunod sa mga regulas­yon, ang mga Pilipino o kum­panyang pag-aari ng mga Pilipino ang maaari lang magnegosyo sa rec­ruitment o pangangalap ng mga seaman o seafarer na Pilipino.

Nabatid pa sa pahayag ng POEA na naunang inirekomenda ng Office of the City Prosecutor of Manila ang pagsasampa sa korte laban sa mga opis­yal ng San Marino na sina Masaya Yorozu, Masahiko Tomita, Jose Melchor M. Del Pilar, Charito Abalayan Rangel, Bernardo B. Gerardo, Asher Marino A. Kasala at Vivencio L. Tugano, Jr. dahil sa paglabag sa Anti-Dummy Law. Nagsampa ng nasabing kaso ang da­ting presidente ng San Marino na si Dionnie Guerrero.

Sinabi pa ni Cacdac na, batay sa mga katiba­yan, 80 porsiyento ng total shares ng kumpanya ay pag-aari umano ni Yorozu habang ang 20 porsiento ay pag-aari raw ni Tomita. Pero lumalabas daw sa corporate paper ng kumpanya na mga stockholder ng kumpanya ang mga Pilipinong sina Del Pilar, Rangel, Gerardo, Kasala at Tugano.

Dahilan sa nasabing kautusan, ang mga respondents ay hindi na pwedeng mag-recruit ng mga manggagawang Filipino para sa trabaho sa ibang bansa.

Show comments