DENR binatikos sa inisyung ECC

MANILA, Philippines - Kinondena ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang pagbibigay ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje ng environmental compliance certificate (ECC) sa Obando landfill nang walang ginagawang pampublikong konsultasyon kahit lubhang manga­nganib ang mga mamamayan ng nasabing bayan sa Bulacan.

Ayon kay Mario Liwanag, tubong Obando, Bulacan at kalihim ng 4K, masyadong kaduda-duda ang ginawa umanong pagmaniobra ng may-ari ng Ecoshield Development Corp. kaya agad nabigyan ng ECC ang Obando landfill.

“Bakit pumayag si Paje na bigyan ng ECC ang Obando landfill nang walang konsultasyon sa mga taga-Obando? Napakalakas naman ‘ata ng Ecoshield kaya puwedeng madyikin ang ECC nang hindi isinasangguni sa mga tao,” ani Liwanag.

Bagamat ipinagtatanggol ni Bulacan Governor Willy  Alvarado ang proyekto, inisyuhan na ito ng Writ of Kalikasan ng Supreme at nagbabala mismo si Phivolcs Director Renato Solidum Jr. na kung matutuloy ang Obando landfill ay madali itong mapipinsala ng baha, bagyo, lindol  at iba pang natural na kalamidad.

Kinuwestiyon din ng 4K si Paje sa pagkakaloob ng ECC sa proyekto ga­yong wala pang karanasan at pruweba ang Ecoshield sa paggawa ng ipinagmamalaki nilang makabagong landfill na tiniyak na makakaapekto sa katubigan ng Obando  na mayroong mga palaisdaan.

Show comments