Toga ng 41,152 graduating students sasagutin ni Recom
MANILA, Philippines - Aakuin ng administrasyon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang gagastusin sa pagrenta ng toga ng mga graduating students sa elementarya at sekondarya sa mga pampublikong paaralan sa buong lungsod ngayong nalalapit na pagtatapos ng mga ito.
Ayon kay Echiverri, nararapat lamang na tulungan ng lokal na pamahalaan ang mga magulang ng mga graduating students nang sa gayon ay hindi na mahirapan ang mga ito sa paghanap ng ipang-aarkila sa gagamiting toga ng kanilang mga anak.
Sinabi pa ng alkalde, responsibilidad ng lokal na pamahalaan na ibigay ang mga pangangailangan ng mga residenteng hindi sapat ang kinikita para sa kanilang pamilya kaya’t bilang tugon dito ay naisipan ni Echiverri na ilibre ang togang gagamitin ng mga magsisipagtapos na estudiyante.
Napag-alaman pa sa talaan na aabot sa 41,152 mag-aaral ang magsisipagtapos ngayong taon kung saan ay 23,598 sa mga ito ay nagmula sa elementarya habang 17,554 naman ang nanggaling sa sekondarya.
Nagmula rin ang mga magsisipagtapos na mag-aaral na ito sa 57 paaralan sa elementarya at 31 naman ang sa sekondarya na matatagpuan sa buong lungsod.
- Latest
- Trending