Pagbuwag sa mga bgy. sa Maynila itinuloy
MANILA, Philippines - Sa kabila ng pag-veto at mariing pagtutol ni Mayor Alfredo S. Lim, muli umanong inaprubahan ng City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Isko Moreno ang abolisyon ng mga barangay sa Maynila na diumano’y kulang sa 5,000 populasyon.
Una nang tinutulan ni Mayor Lim ang plano ng mayorya sa City Council na ipatupad ang ‘selective abolition’ na aniya, “discriminatory and prejudicial to public welfare” sapagkat maraming barangay ang maapektuhan at iilan lamang ang pinapaboran ng City Ordinance No 8264.
Nanindigan si Lim laban sa pagbuwag ng anumang barangay sa siyudad at nangakong hindi ito mangyayari habang siya ang Alkalde ng Lungsod.
Gayunman. inoverride umano ng City Council ang pag-veto ni Lim sa Ordinance No 8264 na nag-aabolis sa Barangay 659-A Zone 71 sa pamumuno ni Chairwoman Ligaya V. Santos na sumasakop sa lugar ng Arroceros, Concepcion, Lawton, Ayala Bridge at Natividad Lopez kung saan naroon ang tatlong high-rise residential condominiums, unibersidad, ilang pabrika at gov’t offices ang nakatirik taliwas sa akusasyon na wala umanong tao sa nasabing lugar.
Base na rin sa talaan ng Manila Barangay Bureau (MBB), kapag ipinatupad ang “baluktot na interpretasyon” ng City Council sa mga probisyon ng RA 7160, 28 barangay lamang ang matitira at 869 ang mabubura.
Isinasaalang-alang ng Local Gov’t Code hindi lamang ang general population ng komunidad ng barangay, kundi ang land area nito, business activity at revenue ng barangay at potensiyal na paglaki pa ng mga nanirahan doon.
Puntirya umano ng ordinansa ang mga barangay na sumusuporta kay Lim tulad ni Chairwoman Santos.
- Latest
- Trending