MANILA, Philippines - Naniniwala ang ilang senador na nagsasabi ng totoo ang testigo ng depensa na si Demetrio Vicente, ang pinsan ni impeached Chief Justice Renato Corona na sinasabing nakabili ng pitong lupa ng asawa ng chief justice sa Marikina City noong 1990 sa halagang P509,985.
Sa magkahiwalay na panayam, sinabi nina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Sergio Osmeña na sa kanilang palagay ay isang “credible witness” si Vicente.
Nagbiro pa si Osmeña na pareho silang mahilig sa bonsai ni Vicente kaya ito naging credible na testigo.
Ayon naman kay Lacson, spontaneous ang mga sagot ni Vicente hindi lamang sa mga abogado ng depensa at prosekusyon kundi maging sa tanong ng mga senador na nagpapatunay umano na totoo ang mga sinasabi nito.
Pero idinagdag din ni Lacson na may mga butas din ang sagot ni Vicente kaya ire-review ulit niya ang transcript ng testimonya ng nasabing testigo.
Sinabi rin ni Osmeña, nagtanong siya sa ilan niyang mga kaibigan na nakatira sa Marikina at kinumpirma ng mga ito na nakapunta na sila sa bahay ni Vicente at sa taniman nito ng bonsai.
May kabuuang 1,700 square meters ang lupa ni Vicente na nabili kay Mrs. Corona pero hanggang ngayon ay hindi pa naipapalipat sa kaniyang pangalan, bukod pa sa kalapit na lupain na nabili rin niya sa isang Miriam Roco.
Ayon pa kay Osmeña, si Vicente ay itinuturing na isa sa pinakamalaking bonsai collection at kilalang bonsai artist sa bansa.
Posible rin umano na dahil sa katamaran at sa mahabang proseso kaya hindi pa ipinapapalipat ni Vicente sa kaniyang pangalan ang nabiling lupa kay Cristina Corona.