Buyer ng lupa ni Corona tumestigo
MANILA, Philippines - Iniharap kahapon ng depensa bilang testigo sa ika-28 araw ng pagdinig ang pinsan ni Chief Justice Renato Corona na si Demetrio Vicente na nakabili umano ng pitong lupa ni Cristina Corona, asawa ng mahistrado sa Marikina noong 1990.
Pero inamin din ni Vicente na bagaman at noon pang 1990 niya nabili ang pitong properties, nananatili ito sa pangalan ni Cristina Corona.
Umabot umano sa P500,989 ang pitong lupa na may kabuuang sukat na 1,700 square meters.
Mismong si Serafin Cuevas, lead counsel ng depensa ang pumuna na sa pangalan pa ni Cristina Corona ang nakarehistro ang mga ari-arian.
Sinabi naman ni Vicente na hindi pa niya naipapalipat sa kaniyang pangalan ang titulo dahil kinapos na siya sa pondo.
Pero idiniin ni Vicente na wala na umanong pakialam sa kaniyang lupa ang asawa ng chief justice.
Ayon pa kay Vicente, siya mismo ang nagbabayad ng buwis sa mga nabili niyang pitong properties mula kay Cristina mula noong 1990.
Bukod sa pitong lupa ng mga Corona, nabili rin umano ni Vicente ang isa pang lupa na nakapangalan naman kay Miriam Corona na sister-in-law ng chief justice.
SInabi ni Vicente na kinuha niya ang ipinambili sa mga properties sa Marikina sa pinagbilhan ng kaniyang house and lot sa Tandang Sora na nagkakahalaga ng P3.5 milyon.
- Latest
- Trending