MANILA, Philippines - Pinakakasuhan na ng Department of Justice ng reklamong murder ang iba pang mga respondent sa kasong pagpatay sa mamamahayag sa Palawan na si Doc Gerry Ortega noong Enero 24, 2011.
Sa 28-pahinang resolusyon na may petsang March 12, 2012, kasama sa mga pinakakasuhan sina dating Palawan Governor Joel Reyes, Coron Palawan Mayor Mario Reyes, dating Palawan Administrator Romeo Seratubias, Arturo Regalado at Valentin Lecias.
Abswelto naman sa kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya si dating Marinduque Governor Jose Antonio Carrion.
Ang resolusyon ay inaprubahan ni Prosecutor General Claro Arellano kasunod na rin ng rekomendasyon ng panel na binubuo nina Asst State Prosecutor Stewart Allan Mariano, Asst State Prosecutor Vimar Barcellano at Associate Prosecution Attorney Gerard Gaerlan.
Kinatigan naman ng DOJ ang nauna nang desisyon ng dating lupon na nag-imbestiga sa kaso na sampahan ng reklamong murder ang mga respondent na sina Rodolfo Edrad alyas Bumar, Armando Noel alyas Salbakotah, Dennis Aranas at Arwin Arandia.