MANILA, Philippines - Nagpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo, asawa nitong si Mike Arroyo at dalawa pang dati nitong opisyal bunsod sa kasong graft kaugnay sa naunsyaming NBN-ZTE deal.
Sa ipinalabas ng resolution ng Sandiganbayan fourth division, bukod sa mag-asawang Arroyo, ipinaaresto rin si dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos at dating Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza.
Itinakda ng korte ang piyansa ng dating Pangulo sa P70,000 at tig-P30,000 naman ang iba pang akusado.
Kaagad namang nagpiyansa ang abogado ng dating unang ginoo na si Atty. Ferdinand Topacio.
Si Mrs. Arroyo at Abalos ay kasalukuyang nakakulong dahil sa kasong electoral sabotage dahil sa pagmamanipula umano ng 2007 elections.
Nagulat naman si Mr. Arroyo sa pagpapalabas ng arrest warrant ng korte.
“This (warrant of arrest) comes as a surprise to me because there are no valid charges against me and my wife.”
Sinabi ni Mr. Arroyo, ang kontrata ay hindi natuloy kaya walang ito nagawang pinsala sa gobyerno gaya ng inaakusa sa kanila.
“Bakit ako kakasuhan, samantala wala naman akong pinirmahan kontrata ?’ sabi ni Arroyo.
Matatandaan na sinampahan ng kasong graft ang mag-asawang Arroyo at iba pa kaugnay sa $329 milyon NBN project noong 2007 sa pagitan ng Zhong Xing Telecommunications ng China.
Nauna na rin naghain ng magkahiwalay na motion ang kampo nina Mike Arroyo at Mendoza ng Urgent Omnibus Motion sa anti-graft court noong Marso 9,2012 na nagsasabing walang basehan upang idiin sila sa NBN-ZTE contract dahil nakansela na ito at hindi natuloy.
Dahil dito kayat ang kaso na inihain sa Ombudsman ay wala umanong basehan sa isang kontrata na hindi naman nag-e-exist.
Samantala ang dating Pangulo ay nadamay sa kaso matapos na mapaulat na wala itong ginawa upang pigilan ang kasunduan sa kabila ng alam nito ang proyekto.