MANILA, Philippines - Nag-walk out kahapon sa court room si QC RTC branch 221 Judge Jocelyn Reyes na may hawak ng Maguindanao masaker case matapos magtalo ang abogado ng depensa at prosekusyon dahil sa isyu ng paglilipat sa principal suspek sa kaso na si Andal Ampatuan Sr. mula Taguig City patungo sa Quezon City hospital.
Sinasabing nairita umano si Judge Reyes sa pagsasagutan nina private prosecutor Harry Roque at Gregorio Narvasa, abogado ng Ampatuan, na nagtalo sa kanyang harapan kahapon kaya ito nag-walk out.
Umalis ng court room si Judge Reyes matapos pakiusapan ang dalawang abogado na kumalma at babalik lamang siya kapag natapos na ang pagtatalo ng dalawa.
Nag-ugat ang pagtatalo nang maghain ng urgent motion sa korte ang Fortun Narvasa and Salazar Law Office noong March 9 para payagang mailipat si Ampatuan Sr. sa Armed Forces of the Philippines Medical Center sa V. Luna Road, Quezon City mula sa kanyang piitan sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Sinisi ni Roque si Narvasa at iba pang abogado ng Ampatuan dahil sa ginawang paglipat ng pagamutan ni Ampatuan na wala aniyang pahintulot kay Judge Reyes.
Nakipagtalo si Roque na ang kanyang law office, umano ang may gusto at hindi ang Bureau of Jail Management and Penology, na mailipat ang akusado sa medical center na pilit namang itinatanggi ni Narvasa.
Samantala, nilagyan ng ‘mechanical ventilator’ si Andal Sr. upang lumuwag na ang paghinga nito, ayon sa AFP.