Smuggled na yosi kalat na
MANILA, Philippines - Nagkalat na umano sa bansa ang mga smuggled na sigarilyo na gawa pa mula sa mga katabing bansang Asya.
Ito ang lumitaw sa hearing ng House Committee on Ways and Means kung saan nagpakita si Blake Clinton Dy, vice president ng Associated Anglo-American Tobacco Corp. ng pruweba na ang smuggling ay nangyayari na umano sa bansa partikular na sa southern area.
Sa naturang pagdinig, nagpakita si Dy ng mga halimbawa ng smuggled na sigarilyo sa mga kongresista upang suportahan ang kanyang pahayag na ang unitary tax system sa mga produktong tabako ay magreresulta ng mataas na kaso ng smuggling sa bansa.
Taliwas umano sa pahayag ni Finance Secretary Cesar Purisima na maiiwasan ang smuggling sa mga produktong tabako at alcohol sa ilalim ng unitary excise tax rate.
Sa pahayag ni Dy sa komite, mayroon ng mga smuggled cigarettes sa Sulu, Zamboanga at Tawi-tawi kung saan ginawa umano ito mula sa mga bansang Indonesia, Thailand at Vietnam at lahat na umano ay nakakaalam na nito maliban na lamang kay Purisima at mga tauhan nito.
Paliwanag pa nito, bakit umano nasasabi ni Purisima na hindi mangyayari ang smuggling gayung nangyayari na ito sa bahaging South ng bansa at kung sinasabi umano ng kalihim na walang lugar ang smuggling sa merkado ay halata na hindi nito alam ang nangyayaring realidad sa industriya na nais nitong dagdagan ng buwis.
Ang nasabing mga sigarilyo umano ay hindi nagbabayad ng anumang buwis at hindi rin nagtataglay ng health warning na itinatakda ng batas at ipinapakilala umano ito ng mga smugglers sa pamamagitan ng paggamit ng maliliit na bangka na tumatawid sa pagitan ng boarder ng Pilipinas at iba pang isla sa Asya.
Isiniwalat din ni Dy sa komite na ang mga counterfeit cigarettes ay direktang nakikipag kumpitensya sa mga murang presyo ng sigarilyo kung saan ibinibenta ang mga smuggled na sigarilyo sa halagang P10 kada pakete.
Nauna na rin nagbanta ang Federation of Philippine Industries (FPI) sa komite na ang smuggling incidence sa bansa ay nagreresulta ng P170 bilyon na pagkalugi subalit sa tantiya naman ng World Bank ay umaabot ito ng P240 bilyon.
- Latest
- Trending