21 bilanggo pasado sa DepEd exam

MANILA, Philippines - Dalawampu’t isang (21) bilanggo mula sa provincial jail ng Sta. Cruz, Laguna ang muling makakapag-aral kahit nasa loob ng bilangguan matapos na makapasa sa pagsusulit na ibinigay sa kanila ng Department of Education (DepEd).

Nabatid na sumailalim ang mga inmates sa Accreditation and Equivalency program, isang uri ng alternative learning ng DepEd at nagawa namang makapasa.

Naniniwala si Education Secretary Armin Luistro na ang pagbibigay ng oportunidad upang makapag-aral at matuto maging sa mga society offenders o mga bilanggo ay tungkulin ng pamahalaan.

Sinabi pa ni Luistro na para sa mga bilanggo na makakapasa sa A & E elementary level ay makakapagpatuloy ng kanilang secondary education habang ang mga nakapasa naman sa A & E for secondary level ay maipagpapatuloy ng mga ito ang kanilang tertiary education oras na makalaya ng kulungan.

Nabatid na naglagay na rin ang Deped  ng extension testing center sa ibat ibang mga kulungan, prisons, camps, correctional formation at rehabilitation centers nationwide para matulungan ang mga bilanggo na maipagpatuloy ang pag-aaral kahit nasa loob ng kulu­ngan.

Show comments