P75-P100 wage hike malabo

MANILA, Philippines - Malabo pa umanong magkaroon kaagad ng umento sa sahod para sa mga minimum wage ear­ners dahil sa umiiral na isang taong moratorium sa wage hike.

Ito ang ipinunto ni De­puty Presidential spokesperson Abigail Valte sa plano ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na isulong ang P75 hanggang P100 wage increase sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

“Ang gusto ko lang pong puntuhin dito is that nasa Marso pa lang po tayo ngayon and me­ron ho kasing one year na moratorium bago ho makapagtaas ng sahod muli,” sabi ni Valte.

Ayon pa kay Valte dapat tingnan ng mga Regional Wage Boards ang planong paghingi ng wage increase ng TUCP lalo pa’t Hunyo noong nakaraang taon huling nagtaas ng sahod.

“Kung hindi po ako nagkakamali June po kasi tayo huling nagtaas ng sahod and this is something that should be entertained by the Regional Wage Boards,” sabi ni Valte.

Sinabi ni Valte na iba-iba ang pangangailangan ng mga empleyado sa iba’t ibang lugar sa bansa kaya iba-iba rin ang nagiging desisyon ng wage boards. 

Una nang sinabi ni Atty. Democrito Mendoza, pangulo ng TUCP, na masyado ng mabigat ang dinadanas na pahirap ng mga manggagawa sa pagtaas ng presyo at hindi na ito kayang tugunan ng kanilang kasalukuyang sahod.

Show comments