MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga manggagawa sa pamahalaan na maitaas ang kanilang sahod ng mula P75 hanggang P100.
Ayon kay Atty. Democrito Mendoza, pangulo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), takda nilang ihain ang petisyon sa uniform wage rate na P75-P100 para sa mga manggagawa ng National Capital Region (NCR) at dalawang kalapit na rehiyon bunga ng serye ng pagtataas ng presyo ng langis, bilihin at bayarin sa mga pangunahing serbisyo.
Ayon kay Mendoza, masyado ng mabigat ang dinadanas na pahirap ng mga manggagawa sa pagtaas ng presyo at hindi na ito kayang tugunan ng kanilang kasalukuyang sahod. Malawak na anya ang panawagan ng mga manggagawa sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Quezon at sa Region 3 para sa umento sa sahod at kumakalap na lamang sila ng dagdag na data bago isapinal ang kanilang petisyong ihahain sa Wage Board.
Noong 2011, nagpetisyon din ang TUCP para sa P75 dagdag sahod sa NCR pero P22 lamang ang naibigay at P100 naman ang kanilang hiniling na umento para sa Region 3 pero P13 lamang ang naaprubahan.