MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-aanunsiyo sa desisyon sa pagtataas ng singil sa pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Ayon kay LTFRB Chairman Jaime Jacob, sa halip kahapon ay sa darating na araw ng Miyerkoles nila i-aanunsiyo ang desisyon sa fare hike petition na 50 centavos na pagtataas sa minimum fare sa jeep.
Ngayon ay P8 ang minimum na pasahe at nais ng mga transport group na bawiin ang 50 cents para maging P8.50 dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo laluna sa gasoline at diesel.
Binigyang diin ni Jacob na marami pa silang kinokonsidera sa magiging desisyon sa taas pasahe kayat minabuting sa susunod na linggo na lamang ito iaanunsyo.
Sa Miyerkules din anya ipapalabas ng LTFRB ang desisyon sa hiling na taas na pasahe sa mga provincial at Metro Manila buses sa bansa.
Huli na lamang anyang dedesisyunan ang tungkol sa fare hike petition ng mga taxi na maitaas sa P10 ang flag down rate. Sa ngayon ay P40 ang flag down rate sa taxi.