Ampatuan Sr., sumuka ng dugo
MANILA, Philippines - Isinugod sa pagamutan kahapon si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., matapos itong magsuka ng dugo sa kaniyang selda sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Kinumpirma ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz, Jr. ang pagsugod kay Ampatuan sa Taguig-Pateros Hospital pasado alas-12 ng tanghali.
Ayon kay BJMP chief, Director Rosendo Dial, ilang araw nang nilalagnat ang matandang Ampatuan hanggang sa sumuka na ng dugo.
Agad namang nagpadala ng karagdagang puwersa ang PNP para ayudahan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagbibigay ng seguridad kay Ampatuan sa pagamutan.
Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa malinaw kung ano ang naging sanhi ng pagsuka ng dugo ng matandang Ampatuan.
Si Ampatuan at iba pang itinuturong mastermind sa malagim na Maguindanao massacre noong Nob. 23, 2009 ay nakapiit sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
Ang angkan ng mga Ampatuan kabilang din ang anak ng gobernador na si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan ay siya umanong nag-utos ng pagharang, pagdukot at paglilibing sa minasaker na 57 katao, 32 rito ay mediamen sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.
- Latest
- Trending