Krimen ng 'tandem' tumaas
MANILA, Philippines - Gustong pagpaliwanagin ng Kamara ang Philippine National Police (PNP) dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng krimen sa bansa na kinasasangkutan ng mga ‘riding in tandem’ at rape kung saan karaniwang nabibiktima ang mga kabataan.
Sa House Resolution 2189 na isinusulong ni Las Piñas Rep. Mark Villar, nais nito na siyasatin ng House Committee on Public Order and Safety ang talamak na krimen gamit ang motorsiklo at pag-aralan ang posibleng pag-angat sa parusang ipapataw sa mga ito.
Sinabi ni Villar na batay sa naitala ng PNP noong 2010, 1,700 sa mga kaso ay riding-in-tandem at karamihan sa mga krimen na ito ay nangyari sa Central Luzon, habang 452 ay sa Visayas, at 374 sa Metro Manila at kalapit probinsya.
Giit ng kongresista, ka ilangan na ng karagdagang aksyon ng PNP sa lumalalang krimen ng mga riding in tandem.
Umaasa rin ito na ang imbestigasyon ng Kamara ay mag-uudyok upang lalo pang paigtingin ng mga awtoridad ang kanilang masusing pagbabantay at paglaban sa karahasan at kriminalidad.
Nauna na ring inihain ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang House resolution 2229 na kumokondena sa tatlong magkakasunod na krimen sa University of the Philippines Los Baños, Laguna (UPLB), na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong estudyanteng sina Bernard Penaranda na hinoldap at pinatay; Given Grace Cebanico na ginahasa bago pinatay, at ang high school student na si Rochel Geronda ng Los Baños National High School na ginahasa at pinatay.
- Latest
- Trending