MANILA, Philippines - Ngayon ipalalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang desisyon kung ibabalik sa dating P8.50 ang minimum na pasahe sa jeep kasunod ng may 9 na beses ng pagtataas sa halaga ng produktong petrolyo sa bansa.
Noong 2008 ang P8.50 minimum fare ay ginawang P8.00 na lamang dahil pumayag noon ang transport sector na alisin muna ang 50 cents dahil mababa naman noon ang halaga ng diesel pero ngayon ay umaabot na ito ng P48 kada litro.
Kahapon ng umaga, sumalang ang three-man LTFRB board sa pagbusisi sa kahilingan ng transport sector na maibalik ang P8.50 minimum na pasahe at sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng ahensiya na kailangang mabusisi ng husto ang isyu para sa interes ng mamamayan.
Napag-alaman na hindi kasama sa deliberasyon ng board ang pagbusisi sa P2 fare hike petition o gawing P10 ang minimum fare mula P8 ng Fejodap, Altodap, Ltop, MTU-Transporter, ACTO at Pasang Masda dahil uunahin muna ang pagresolba sa isyu sa pagbabalik ng 50 cents.
Una rito, nagbanta ang Piston na magsasagawa sila ng Welgang Bayan sakaling hindi aksiyunan ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo sa bansa.