MANILA, Philippines - Nakakuha ng probable cause ang tanggapan ng Ombudsman para isulong ang kasong kriminal laban kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at tatlong iba pa kaugnay ng umano’y kontrobersiyal na $329 milyong ZTE-NBN deal na pinasok ng nagdaang administrasyon.
Si Arroyo ay nahaharap sa 2 counts ng graft at isang paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards noong December 28 kaugnay ng umano’y paggamit ng kapangyarihan nito para aprubahan ang naturang proyekto.
Ilan pa sa co-defendants sa unang graft case ni Arroyo sina dating first gentleman Mike Arroyo, ex-Comelec chairman Benjamin Abalos Sr. at dating DOTC secretary Leandro Mendoza.
Ibinasura naman ng Ombudsman ang mosyon nina Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, dating Gabriela Rep. Liza Maza at Bayan Chair Carol Araullo na gawing plunder ang kasong graft dahil hindi ma-establish ng Ombudsman ang lahat ng mga elemento para gawing plunder ang graft ng mga akusado.