MANILA, Philippines - Dismayado si Isabela Governor Faustino Dy sa panukalang pagpepresyo ng P30 kada pakete sa lahat ng produktong tabako kahit saan ito galing at kasikatan nito sa merkado kung saan lumalabas na mahigit umano sa 1,000 porsiyentong pagtataas nito.
Sinabi ni Dy na masyadong marahas ang panukala sa Kamara ni Cavite Rep. Emilio Abaya na sigurado naman umanong makakahanap pa ng ibang alternatibo at hindi lamang limitado sa nasabing House bill na siguradong magreresulta ng paghihirap ng industriya ng tabako.
Nilinaw naman ng gobernador na hindi siya tutol sa anumang pagtataas sa excise taxes dahil nauunawaan naman umano nila na ang buwis ang siyang life blood ng gobyerno subalit ang polisiya umano ay dapat na maging balanse sa pagitan ng pangangailangan ng gobyerno at sa pangangailangan ng lokal na industriya na dapat matugunan.