MANILA, Philippines - Binatikos ni dating Unang Ginang Amelita “Ming” Ramos ang Azkals, na tinaguriang pambato ng bansa sa larangan ng football, dahil sa kawalan ng respeto sa isang opisyal ng nasabing palakasan.
Sinabi ni Ramos na palitan na ang tawag sa koponan dahil nasasalamin lamang ang pag-uugali ng ilang miyembro ng team bilang asong gala.
Si Ginang Ramos kasama si dating Pangulong Fidel V. Ramos ay nagpunta sa Taiwan para dumalo sa ilang serye ng miting ng mga negosyante doon.
Kinondena ni Ginang Ramos ang ginawang pambabastos sa kanyang anak na si Christy Ramos, Match Commissioner ng Asian Football Confederation (AFC), ng dalawang kasapi ng Azkals nang puntahan nito ang mga manlalaro para ma-check ang kanilang credentials bago dumating ang araw ng friendly match laban sa Malaysia noong nakaraang linggo.
Una rito, nagsampa ng reklamo si Christy Ramos, anak ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, ng sexual harassment kay AFC Chairman of Disciplinary Committee Lim Kia Tong laban kina Azkals players Angel Guirado at Lexton Moy.
Sa kanyang reklamo, sinabi ng batang Ramos na habang sinusuri nito ang pagkilanlan ng team sa loob ng locker room bago ang laban sa Malaysia, tumayo daw itong si Moy sa kanyang tabi at nagsabing “must be a cup B,” na sinabayan naman ng halakhakan ng ibang mga manlalaro.
Ayon sa complaint letter, sinabi ni Ramos na halatang tinukoy ni Moy ang size ng kanyang bra, dahil siya lamang ang tanging babaeng nasa loob ng locker room.