Heneral nag-sorry sa Comelec officer
MANILA, Philippines - Dalawang taon matapos ang kontrobersya, nag-sorry na ang isang heneral ng militar kay Commission on Elections Commissioner Elias Yusoph at pamilya nito kaugnay ng kaso ng pagdukot sa anak nito sa Marawi City, Lanao del Sur, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Col. Prudencio Asto, Chief ng Public Affairs Office ng Army’s 6th Infantry Division (ID), upang matuldukan na ang pagtatampo ni Yusoph, nagpakumbaba ang kanilang Commander na si Major Gen. Rey Ardo at personal na iniabot ang liham ng ‘written apology’ ng heneral sa opisyal sa pagbisita nito sa Cotabato City nitong nakalipas na mga araw. Sa nasabing paghingi ng paumanhin ni Ardo kay Yusoph, sinabi nitong nais niyang magkaunawaan na sila ni Yusoph dahilan sa ‘misquoted’ lamang umano siya sa mga naglabasang ulat hinggil sa pagdukot sa anak ni Yusoph na si Nuraldin noong 2010 sa Marawi City.
Si Ardo ay dating Commander ng Army’s 103rd Brigade na nakabase sa Marawi City at iba pang bayan sa Lanao del Sur nang mangyari ang insidente.Tinanggap naman ni Yusoph ang paghingi ng ‘apology ‘ ng heneral at umaasang higit pang mapagbubuti ang samahan sa tropa ng militar.
- Latest
- Trending