Fare discount sa estudyante kahit bakasyon iginiit ng solon
MANILA, Philippines - Minamadali ng isang mambabatas ang panukalang magbibigay ng diskwento sa mga estudyante sa pamasahe kahit sa mga araw na walang pasok o bakasyon.
Ipinaliwanag ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara na hindi lamang sa tuwing panahon na may pasok pakikinabangan ng mga estudyante ang 20% diskwento kundi kahit na weekend, bakasyon at holiday sa sandaling maipasa ang House Bill 90.
Ang kailangan lamang umano ay magpresenta ang estudyante ng kanilang ID para mabigyan ng tamang diskwento sa mga araw na walang pasok kung sasakay ng mga pampublikong sasakyan.
Bukod dito, nais din ng kongresista na maging batas ang pagbibigay ng discount sa pasahe ng mga estudyante dahil sa kasalukuyan ay nakabase lamang ito sa circular ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Masasakop din umano ng panukala ang mga medical interns at sumasailalim sa military training kaya’t dapat na umano itong madaliin ng House Committee on Transportation ang deliberasyon sa naturang panukala.
- Latest
- Trending