Pagkamatay ng Pinay sa HK pinasisiyasat
MANILA, Philippines - Hiniling na ni Vice President Jejomar Binay sa mga opisyales ng Konsulado ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa Hong Kong Police upang malaman ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng OFW na si Rowena Gomez, 34 na natagpuan sa may pampang ng isang dagat sa HK.
Si Gomez ay nakitang wala nang buhay noong Pebrero 5 sa isang baybayin malapit sa bahay ng kanyang employer sa Shau Kei Wan, isang bayan sa eastern Hong Kong.
Bago ang pagkakatuklas sa bangkay, nakapagpadala pa umano ng mensahe si Gomez sa kanyang pamilya sa Pilipinas at sinasabing may problema siya sa kanyang amo.
Hinihinala ng pamilya Gomez na pinatay si Rowena saka itinapon sa nasabing dagat upang mapagtakpan ang krimen at iligaw ang imbestigasyon sa kaso.
Tumulong ang tanggapan ni Binay sa pagpapauwi sa mga labi ni Gomez sa Manila mula HK at dumating ang bangkay nito noong Sabado at naiuwi sa kanyang hometown sa Antipolo.
- Latest
- Trending