Jaywalkers 'di kaya ng MMDA

MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wala silang magagawa para sawatain ang mga walang disiplinang “pedestrian” na walang takot na tumatawid sa mga lansangan maging sa mga pangunahing highways.

Sinabi ni MMDA Traffic Engineering Center Director Noemi Recio, na wala naman silang pa­niket para hulihin ang mga “jaywalkers” kaya tanging pagsaway lamang ang nagagawa ng kanilang mga traffic enforcers.

Ipinasa nito ang sisi sa mga traffic enforcers ng mga lokal na pamahalaan na siyang may angkop na ordinansa para hulihin ang mga ito.  Ito’y makaraang sandamakmak na reklamo na ang natatanggap ng MMDA sa publiko dahil sa mistulang kawalang-batas na sa mga lansangan ng mga tumatawid.

Karamihan umano ng lungsod sa Metro Manila ay kabi-kabila ang paglabag sa jaywalking ngunit sa Commonwealth Avenue sa Quezon nakakapagtala ng mga nasasawi dahil sa aksidente at maging sa EDSA sa may Balintawak.

Sa kabila umano ng napakaraming MMDA traffic enforcers sa mga pangunahing lansangan, parang hindi nila nakikita ang ginagawang paglabag ng mga jaywalkers kahit may inilagay ng footbridge na dapat gamitin ng mga tumatawid.

Hindi naman mabatid ng MMDA kung bakit walang ginagawang aksiyon ang mga lokal na pamahalaan sa naturang problema gayung sila ang may karapatan na sawatain ang pagtawid sa mga pangunahing lansangan na hindi dapat tawiran.

Hindi umano nagkukulang ang ahensiya na gumawa ng mga kaukulang hakbang upang hindi na tumawid sa mga lansangang hindi na dapat tawiran tulad ng paglalagay ng mga footbridges, paglalagay ng babala na bawal ang tumawid at maging paglalagay ng mga fences o bakod sa mga center island.

Show comments