MANILA, Philippines - Walang rekord ang Bureau of Immigration (BI) na dumating sa bansa ang isang Canadian actor na si Taylor Kitsch na una nang nagpahayag sa isang US late talk show na “David Letterman” na siya ay binastos ng isang Customs officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan lang.
Ayon kay Immigration spokesperson Atty. Ma. Antonette Mangrobang, walang rekord sa kanilang computer database files ang pagdating sa bansa ng isang Taylor Kitsch.
Sa pagsisiyasat naman ni Customs Commissioner Ruffy Biazon, sinabi nito na hindi sa Pilipinas nagpunta si Kitsch kundi sa Indonesia.
Pinabulaanan rin ni Mangrobang ang pahayag ni Kitsch na mayroon itong working visa.
Sinabi ng BI official na wala silang rekord na may alien certificate of registration-identity card (ACR I-Card) na inisyu para sa isang Canadian na nagngangalang Taylor Kitsch.
“We also checked the flight manifests of all airlines from Japan to Manila and it all yielded negative results,” sabi ni Mangrobang.
Sa kabila nito, pinaiimbestigahan pa rin aniya ni BI Commissioner Ricardo David Jr. ang claim ni Kitsch na siya ay binastos sa NAIA, bagamat sa huli ay pinayagan ding makapasok sa bansa.