'Formal offer of evidence' inihain ng prosec sa impeachment court
MANILA, Philippines - Pormal nang inihain ng prosekusyon sa Senate impeachment court ang listahan ng kanilang mga ebidensiya laban kay impeached Chief Justice Renato Corona.
Inisa-isa ng prosekusyon sa isinumiteng “formal offer of documentary evidence” ang kanilang mga ebidensiya tulad ng kopya ng statement of assets, liabilities and net worth ni Corona mula taong 2002 hanggang 2010.
Kabilang din sa mga nais patunayan ng prosekusyon ang kabiguan ni Corona na ihayag ang acquisition cost ng kanilang mga real properties na nasa kanilang SALN.
Mapapatunayan din umano sa SALN ni Corona na hindi ito nilagdaan at pinanumpaan ng kaniyang asawa.
Nais din patunayan sa isinumiteng dokumento na nagkanulo si Corona ang tiwala ng publiko at lumabag ito sa Konstitusyon ng hindi nito isinama sa kaniyang SALN ang ilan sa kaniyang mga ari-arian.
Kasama rin sa listahan ng mga ebidensiya ang certificate of titles na nakapangalan sa mag-asawang Renato Corona at Cristina Corona upang patunayan na ang mga ito ang may-ari ng Unit No. 38B, Belagio I, Fort Bonifacio, Taguig, Metro Manila at Unit No. 1902, Bonifacio Ridge, Fort Bonifacio, Taguig.
Isinama rin sa listahan ang mga bank certification ng PSBank na may petsang Pebrero 7, 2012 upang patunayan na ang chief justice ang may-ari ng limang accounts.
Bukod sa mga dokumento isinama rin bilang ebidensiya ang video footages ng press conference ni Supreme Court spokesman Midas Marquez noong Nobyembre 15, kung saan inihayag niya ang temporary restraining order sa travel ban ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo; ang pagtatangka ni Arroyo na lumabas ng bansa; ang tangkang paglalagak ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Arroyo na magbayad ng P2 milyon cash bond na bahagi ng kondisyong nakasaad sa TRO.
Nauna ng sinabi ni kampo ni Corona na pag-aaralan nilang mabuti ang listahan ng mga ebidensiya upang maihain ang kanilang oposisyon sa pagbabalik ng impeachment trial.
- Latest
- Trending