MANILA, Philippines - Posibleng pumalo na sa halagang P1,000 kada tangke ang Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa mga pamilihan sa susunod na linggo dahil sa sunud-sunod na paglobo ng presyo nito.
Ito ang pinangangambahan ngayon ng Department of Energy (DOE) makaraang umakyat na sa pinakamataas na antas ang presyo ng produktong petrolyo sa world market mula noong 2008.
Ayon sa DOE, ang presyo ng LPG ay direktang apektado ng pagsirit sa pandaigdigang merkado ng halaga ng langis.
Nabatid na nitong Huwebes lamang ay humataw ang presyo ng LPG makaraang magtakda ng P6 kada kilong dagdag sa presyo ng cooking gas ang Liquigaz at Isla Gas na nagbebenta na ngayon ng Shellane na katumbas ng P66 sa isang tangke na tumitimbang ng 11-kilo.
Ang pagtaas din ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang itinuturong dahilan ng Liquigaz sa pagtataas nila ng presyo.
Sa ngayon ang umiiral na presyo ng LPG sa Kalakhang Maynila ay nasa pagitan ng P750.00 at P810.00 kada tangke.
Dahil sa panibagong tensyon sa Iran, pumalo na ang Brent Crude sa $128 kada bariles na matatandaang umabot sa $150 kada bariles noong 2008.
Dahil sa pag-akyat noon ng presyo ng imported na langis sa $147 ay umakyat ng mahigit P60 kada litro ang presyo ng gasolina sa Pilipinas.
Nitong Martes ay nagtaas na ng 50 sentimos kada litro ang diesel at gasolina sa bansa.
Kaugnay nito, nababahala na ang DOE dahil sa unang apat na araw ng linggo ay may nakikita na namang pagtaas na maaring umabot sa P0.50 sa gasolina at P0.20 naman sa diesel.
Kamakalawa ng gabi nag-anunsiyo ang Chervon at Petron ng pagtataas ng P0.50 sentimos kada litro ng diesel, premium at unleaded gasoline, P1 naman sa kerosene at P0.60 sentimos sa regular gasoline na epektibo alas-12:01 ng madaling araw.