MANILA, Philippines - Umuusad na sa Kamara ang resolusyon na magdedeklarang bakante at walang kinatawan sa Kongreso ang ika-limang distrito ng Negros Occidental dahil sa pagkamatay ni Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo.
Sa House Resolution 2171 nina House Speaker Feliciano Belmonte, layon nito na magpatawag ng special elections para sa distrito ni Iggy.
Kasama din ni Belmonte na naghain ng resolusyon ang iba pang kinatawan ng Negros na sina 3rd district Negros Occidental Reps. Alfredo Maranon, Alfredo Benitez,Merdedes Alvarez at Julio Ledesma.
Ang nasabing resolusyon ay nakatakda ng isalang sa deliberasyon matapos na iendorso ng plenaryo sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms at kapag na-adopt na ng Kamara ang resolusyon, pormal na maidedeklarang bakante na ang posisyon ni Iggy at hihingin sa Commission on Elections (Comelec) na magdaos ng special elections para punuan ito.
Sa ilalim ng batas, maaring idaos ang special election kung nabakante ang puwesto isang taon bago ang regular na eleksiyon.