Rep. Tinga pinasisiyasat sa House Ethics
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng kampo ni Taguig City Mayor Lani Cayetano sa House of Representative Ethics Committee na maimbestigahan si Taguig Congressman Freddie Tinga dahil na rin umano sa paggamit nito ng kanyang kapangyarihan para “maimpluwensiyahan” ang poll protest ng kanyang ama na si natalong Taguig mayoralty candidate Dante Tinga.
Tinukoy ni Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ni Cayetano ang ginawang privilege speech ng Kongesista kung saan hiniling pa umano nito kay Pangulong Noynoy Aquino na matulungan sila sa kinahaharap na poll protest sa Commission on Elections.
Ani Icay, malinaw na pinepressure ng Kongresista ang komisyon sa naging pahayag nito para paboran ang electoral protest ng kanyang ama.
Hindi umano tamang gamitin ng kongresista ang kanyang kapangyarihan bilang kongresista upang takutin ang mga taga-Comelec sa isang budget hearing sa kongreso.
“Dapat si Freddie ang imbestigahan ng Ethics Committee ng House of Representative dahil illegal at immoral ang paghingi nito ng tulong kay Pangulong Noynoy Aquino na makialam na sa nasabing kaso, tila nakalimutan nito na independent constitutional body ang Comelec at may sariling rules na sinusunod alinsunod sa batas,” pahayag ni Icay.
Kasabay nito, nilinaw ng kampo ni Cayetano na walang basehan ang akusasyon ng mga Tinga na ginagamit nito ang kanyang posisyon upang maantala ang proceedings sa poll protest laban sa kanya.
Iginiit ni Cayetano na dumadaan sa tamang proseso ang protesta at tulad umano ng mga Tinga ay hangad din nito ang mabilis na pag-usad ng kaso lalo at batid umano nila na sila ang nanalo noong 2010 election kahit sila ang underdog noong eleksyon dahil ang mga Tinga ang siyang nakaupo noon sa City Hall.
Umaasa naman ang mga Cayetano na magiging patas ang Comelec sa pagresolba sa kaso lalo at kilala umanong maimpluwensiya ang kanilang kalaban.
- Latest
- Trending