MANILA, Philippines - Kahanay na ni Maria Ramona Belen Bautista ang mga pinaghahanap na mga terorista at maging ang anak ng napaslang na lider na si Moammar Gaddafi mayapos mapabilang sa most wanted list ng International Criminal Police Organization (Interpol) sa bansang Turkey kung saan siya tumakas makaraang masangkot sa pagpaslang sa kanyang kuya na si Ramgen Bautista.
Ipinaliwanag ni Atty. Argee Guevarra, abogado ni Janelle Manahan, na ang pagkakalagay ni Ramona sa talaan ng Interpol sa mga wanted person ay nangangahulugan lamang na kahit saan siya magtungong bansa na walang extradition ang Pilipinas ay patuloy siyang imo-monitor. Sa oras aniya na magtungo si Ramona sa bansang may extradition treaty ang Pilipinas, kaagad siyang ipatatapon pabalik dito.
Sa patuloy na pagdinig kahapon sa kasong murder sa sala ni Paranaque Regional Trial Court (RTC) Judge Fortunito Madrona ng Branch 274, kinatigan ng hukom ang hirit ni Guevarra na makansela na ang pasaporte ni Ramona na nasa Turkey.
Sinabi ni Guevarra na bagama’t walang extradition treaty ang Pilipinas sa Turkey, maaari nilang ipakiusap kay Pangulong Aquino na hilingin sa gobyerno ng naturang bansa na ipatapon pabalik si Ramona upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya kaugnay sa pagkakapaslang sa kanyang kapatid at malubhang pagkasugat ni Manahan.
Kahapon ay kinatigan rin ni Judge Madrona ang mosyon nina Manahan na magpalabas na rin ng hold departure order (HDO)sa iba pang mga akusado sa nangyaring krimen kahit nakapiit na ang mga ito.