MANILA, Philippines - Tahasang tinanggihan ng Senado na sumawsaw sa usaping bribery na kinasasangkutan umano ng Philippine Gaming and Amusement Corporation.
Sinabi kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado sa umano’y pagtanggap umano ni Pagcor Chairman Crispino ‘Bong’ Naguiat Jr., ng $110,000 (P4.8 milyon) “suhol” mula sa isang Japanese casino owner at sa “VIP” (very important treatment) na ibinigay dito noong magpunta siya sa Macau noong 2010.
“Para saan?” ito ang maikling sagot ni Enrile sa mga Senate reporters nang makapanayam siya kahapon tungkol sa isyu.
Naniniwala si Enrile na walang batayan sa panawagang magbitiw o magbakasyon si Naguiat. “Huwag na natin pasakitin ang ulo natin sa ganyan. Kapag pumunta ka sa Las Vegas, kahit pipitsugin ka lang, bibigyan ka ng suite dun,” paliwanag pa nito.
Sa reklamo ni American casino tycoon Steve Wynn, “sinuhulan” umano si Naguiat ng kanyang dating business partner na si Kazuo Okada ng nasabing halaga at binigyan pa ng VIP treatment nang magtungo si Naguiat at iba pang opisyal ng Pagcor sa Macau noong 2010 para sa isang business conference.
“That is a practice in the trade. Kung hindi, maraming opisyal dito ang pupunta sa bilanggo. Basta namasyal sila sa Macau, karamihan diyan, hindi naman lahat, bibigyan ng special privileges,” sabi pa niya.
Mali rin umano ang bintang ni Wynn laban kay Naguiat dahil ang lisensiya ni Okada ay naibigay noong si Efraim Genuino pa ang chairman ng Pagcor. “Pinirmahan na ‘yun ni Efraim Genuino.”
Wala ring nakikitang masama si Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada sa naging mga aksyon ni Naguiat dahil “standard practice umano” sa lahat ng casino sa mundo na magbigay ng pribilehiyo sa mga bisita.
Sa pagdinig ng Kongreso noong Lunes, lumabas din na inosente si Naguiat sa bintang ni Wynn na anila ay nagpasama pa sa imahe ng Pilipinas.
Samantala, naniniwala si Pangulong Benigno Aquino III na hindi magtataboy sa mga potential investors ang nakahaing resolusyon sa Kamara upang i-ban si Steve Wynn sa pagnenegosyo sa Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo sa isang panayam sa isang okasyon sa University of Sto. Tomas na si Wynn ay isa lamang sa maraming investors na nais magnegosyo sa bansa.