MANILA, Philippines - Tinapos na ng tagausig o prosecution ang kaso nito laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona na nililitis ng Senado na tumatayo namang impeachment court.
Sinabi ni lead House prosecutor Niel Tupas Jr. na nililimitahan na nila ang paghaharap nila ng ebidensiya sa articles 2, 3, at 7 ng impeachment complaint.
“Sa aming opinion ay nakapagharap na kami ng malakas na kaso at ebidensiya na sapat para matanggal sa puwesto si Corona,” sabi ni Tupas.
Susunod namang maghaharap ng ebidensiya na pabor sa punong mahistrado ang kanyang mga abogado.
Gayunman, sinabi ni Tupas na inirereserba ng tagausig ang karapatan nito na magprisinta ng ebidensiya sa dollar account ni Corona na pinagbawalan ng Supreme Court sa pamamagitan ng temporary restraining order na ipinalabas noong nakaraang buwan.
Sa ika-25 araw ng impeachment trial sa Senado, inihayag ni Tupas Jr. ang kanilang hakbang upang hindi na mapahaba pa ang paglilitis at hindi na rin sila magpiprisinta pa ng mga ebidensya para sa mga articles 1,8,4,5,at 6 base sa itinakdang sequence ng prosekusyon.
Ang article 1 ay may kaugnayan sa midnight appointment ni dating pangulong Gloria Arroyo kay Corona samantalang ang article 8 ang usapin tungkol sa Judicial Development Fund at special allowances sa Hudikatura.
Ang article 4 ay sa status quo ante order sa impeachment ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez, ang article 5 ay sa flip flopping sa mga kaso tulad ng sa Flight Attendant Steward Association of the Philippines (FASAP).
Nauna rito, sinabi ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na, kung hindi papadalhan ng Impeachment Court ng subpoena si Supreme Court Associate Justice Maria Lourdes Sereno, imposible na itong mapapunta sa paglilitis.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, kung hindi papadalhan ng subpoena si Sereno mula sa Senate Impeachment Court, imposible nang pumunta ang hukom sa paglilitis kay Corona.
Si Sereno ay matatandaang nagbigay ng “dissenting opinion” o tumutol ukol sa pag-isyu ng Korte Suprema ng isang TRO laban sa pagkakalagay nina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo at ang kanyang asawang si Atty. Mike Arroyo sa watch list order ng gobyerno noong nakaraang taon.
Aminado naman si House Majority Leader Neptali Gonzales II na hindi magiging popular na hakbang para sa isang Supreme Court Justice na tumestigo laban sa kapwa niya hukom.
Subalit igiit ni Belmonte na mahalaga ang magiging testimoniya ni Sereno sa impeachment proceedings dahil siya ay may “first person account” o may personal na karanasan sa mga pangyayari kung bakit naglabas ng TRO ang Supreme Court.
Samantala, naghain ng 33-pahinang mosyon ang mga abogado ni Corona sa Senate impeachment court na humihiling na tanggalin at huwag isama sa records ang mga ebidensiya kaugnay sa bank accounts ng Chief justice sa Philippine Savings Bank (PS Bank) na illegal umanong nakuha ng prosekusyon.
Sa “motion to suppress illegally obtained evidence” na inihain ng depensa, sinabi ng mga abogado ni Corona na dapat tanggalin sa records ang mga ebidensiyang dinala ng mga opisyal ng PS Bank base sa subpoena na ipinalabas noong Pebrero 6 at 9, 2012.
Ayon sa mosyon, ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan ng lahat ng mamamayan laban sa mga “unlawful searches at seizure.”