MANILA, Philippines - Napatay ang isang preso habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan matapos na mauwi sa riot ang masayang selebrasyon ng kaarawan ng isa sa mga bilanggo sa loob ng Sorsogon Provincial Jail sa Sorsogon City kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa ospital sa tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Rommel Lanuza, binansagang mayor sa piitan at miyembro ng Sputnik Gang.
Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang dalawa pa nitong kasamahan sa gang na sina Ronaldo de Vera at Jerry Habla.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang riot sa gitna ng masayang inuman ng mga preso sa kaarawan ni Lanuza bandang alas-8:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang sinugod ang mga biktima ng kalabang Bahala na Gang sa pamumuno ni Raffy Bolanyo na armado ng patalim.
Nagsasayaw ang grupo ni Lanuza at nagkakantahan sa loob ng kanilang selda nang lusubin ng grupo ni Bolanyo.
Natigil lamang ang riot matapos na magresponde ang Special Disorder and Commotion Unit ng Provincial Jail Guard.
Sa tala, aabot sa 395 preso ang nakapiit sa Sorsogon Provincial Jail.